ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Ilang celebrity candidates ngayong Eleksyon 2016, nangunguna sa bilangan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Kabilang sa mga nangunguna sa bilangan ngayong Eleksyon 2016 batay sa partial at unofficial count ng transparency server ng Commission on Elections (Comelec) na makikita sa GMA News Online ang ilan sa mga artistang kumandidato para sa pambansa at lokal na posisyon.

Habang isinusulat ang artikulong ito, nasa ikatlong puwesto sa pagka-senador ang batikang host na si Tito Sotto, na mayroong higit sa 16 million na boto, habang nasa ikawalong puwesto naman ang international boxing champion na si Manny Pacquiao, na mayroong halos 15 million na boto.

Nangunguna at muling naihalal bilang alkalde ng Quezon City si Herbert Bautista.

Bagong alkalde rin ng Tacloban city si Cristina Gonzales-Romualdez na pumalit sa kaniyang mister na si Alfred.

Tila tiyak na rin ang pagkapanalo ni Alfred Vargas, na muling tumatakbo bilang kongresista sa 5th district ng Quezon City, habang nasa ikaanim na puwesto naman sa bilangan bilang konsehal ng 2nd distrcit si Roderick Paulate, at nasa ikalimang puwesto si Anjo Yllana sa bilangan ng pagka-konsehal sa 5th district.

Para kay Alfred, ang pagkakapanalo ng mga artista sa halalan ay pagpapakita na marami pa ring naniniwala sa kanilang kakayahan bilang lingkod-bayan.

Sa Makati, nangunguna sa bilangan ng mga kandidatong kongresista sa 1st district ng Makati City si Monsour del Rosario. Naiproklama na si Monsour  kaninang madaling araw.

Ang dancer-TV host na si Jhong Hilario,  nangunguna rin sa bilangan ng mga kandidatong konsehal sa 2nd district ng Makati City.

Sa ikatlong distrito ng Maynila, nangunguna ang dating aktor na si Yul Servo sa bilangan para sa pagka-kongresista. Samantala, naiproklama na si Joseph Estrada bilang alkalde muli ng Maynila.

Kasalukuyan ding nangunguna si Daniel Fernando sa bilangan para sa pagka-bise gobernador ng Bulacan. Umani na siya ng higit sa 800,000 na boto mula sa mga mamamayan ng lalawigan.

Halos nakatitiyak na rin si Jolo Revilla, na mayroong 934,301 na boto, sa muling mahahalal na bise gobernador ng Cavite ngayong nangunguna siya sa bilangan.

Samantala, nangunguna rin sa pagka-alkalde ng lungsod ng Bacoor ang kaniyang ina na si Lani Mercado-Revilla, na mayroong higit sa 106,000 na boto.

Nitong Martes ng umaga, naiproklama na si Lani bilang bagong alkalde ng Bacoor.

Nangunguna rin sa bilangan para sa pagka-alkalde ng lungsod ng Calatagan sa Batangas ang aktres na si Andrea del Rosario, na kasalukuyang mayroong 13,572 na boto.

Idineklara namang bagong alkalde ng Ormoc sa Leyte ang batikang aktor na si Richard Gomez. Habang nangunguna rin sa bilangan ang kaniyang asawang si Lucy Torres-Gomez para sa posisyong Representative ng 4th District ng Leyte.

Una rin sa bilangan para sa pagka-konsehal ng unang distrito ng Parañaque ang dating singer-actress na si Roselle Nava, habang nasa ikalimang puwesto si Vandolph Quizon at nasa ikaanim na puwesto naman si Jomari Yllana.

Ang kapatid nina Anjo at Jomari na sina Ryan, malaki may posibilidad din na mahalal muli na konsehal sa ikalawang distrito ng Parañaque.

Pasok naman sa Top 5 ng mga kandidatong konsehal sa 5th district ng Maynila si Robert Ortega, habang nasa ikawalang puwesto naman sa 6th district si Lou Veloso.

Nasa ikatlong puwesto naman sa bilangan ng kandidatong konsehal sa Valenzuela City si Charee Pineda. Hindi naman pinalad si Ronnie Ricketts na natalo bilang kongresista kay Ruffy Biazon sa Muntinglupa.

Iba pang mga kandidato

Kasalukuyang nasa labas ng winning circle o magic 12 sa senatorial race ang ibang celebrity candidates, tulad nina Isko Moreno na pang-16, Mark Lapid na pang-19, Edu Manzano na pang-21, at Alma Moreno na pang-24.

Nasa ikalawang puwesto rin para sa pagka-bise alkalde ng Parañaque si Jeremy Marquez, sunod sa nangungunang katunggali na si Rico Golez.

Bigo naman sa pagsabak bilang bise gobernador ng Bulacan si Phillip Salvador dahil huling nahalal ang kapwa niya artista at reelectionist na si Daniel Fernando.

Hindi rin nabawi ni ER Ejercito ang kaniyang posisyon bilang gobernador ng Laguna matapos itong mabigo sa kasalukuyang gobernador na nakaupo.

Hindi rin pinalad sa kampanya bilang bise gobernador ng Laguna ang dating aktres na si Angelica Jones.

Labas sa Top 10 ng mga kandidatong konsehal sa 5th district ng Maynila ang komedyanteng si Jograd dela Torre. Gayundin sina Allan Paule at Manolet Ripol, na tumatakbo namang konsehal sa Muntinlupa.

Muli, ang mga datos na ito ay "partial and unofficial" count mula sa transparency server ng Comelec. —KG/FRJ, GMA News