Bong Alvarez nanapak ng taxi driver at lady reporter
Bago matapos ang araw, pinayagang makapagpiyansa ang basketbolistang si Paul "Bong" Alvarez ng P4, 500 matapos itong makulong ng ilang oras sa Mandaluyong City police station dahil sa pambubugbog ng taxi driver at lady reporter ng ABS-CBN. Nakilala bilang "Mr. Excitement" sa Philippine Basketball Association (PBA), dinala si Alvarez ng taxi driver na si Wilfredo Cabanlit Martes ng umaga at inireklamo na binugbog siya nito habang sakay ng kanyang minamanehong taxi. Habang nasa istasyon ng pulisya, ang lady reporter na si Gretchen Malalad naman ang napagbalingan ng galit ni Alvarez at una'y siniko ito at maya'maya'y sinapak na sa mukha at sinabunutan. Halos 12 oras din sa piitan si Alvarez. Ayaw daw ni Alvarez na nakatutok sa kanya ang camera ng television news reporter, na isang karate black-belter din at kasapi ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas. Sinabi ni Cabanlit na naisakay niya si Alvarez mula sa Rembrandt Hotel sa Quezon City bandang alas-5 ng umaga nitong Martes at nagpahatid sa Pasig. Nang malapit na sa Pasig ay nagbago diumano ang isip ni Alvarez at sa Quiapo na nito gustong magpahatid. Upang makaiwas sa sumisikip na daloy ng trapiko sa Shaw boulevard, sinabi ni Cabanlit na sa Boni Avenue siya dumaan. Ayon kay Cabanlit, napaidlip si Alvarez, at nang magising ito ay nagalit at sinabing iniikut-ikot siya. Pinababa na lamang daw niya si Alvarez at sumakay na lang sa ibang taxi, kahit na hindi ito magbayad, subalit lalo diumanong nagalit si Alvarez at pinagmumura na siya, sinapak at pinalo pa ng bote habang nagmamaneho. Sa puntong iyon ay nagdesisyon na si Cabanlit na dalhin na lang sa presinto ng pulis si Alvarez at nagsampa na siya ng reklamo. Sumikat sa PBA si Alvarez sa tawag na âMr. Excitement" dahil sa taas ng pagtalon at mga ginagawa nitong slum dunk. Ilang beses na rin siyang nasangkot sa mga kaso ng pambubugbog. Sa presinto, iniwasan umano ni Alvarez ang media at nagkulong sa isang kwarto. Ngunit nang makita nito si Malalad na kausap si Cabanlit ay hinablot umano sa buhok ang lady reporter at siniko. Nagawa naman umano ni Malalad na makaganti ng suntok sa mukha kay Alvarez bago sila napaghiwalay ng mga pulis. Ang black belter na si Malalad ay sumali noon sa 2002 Binibining Pilipinas beauty pageant at gold medalist sa Southeast Asian Games sa karate. Kasama rin siya sa isang edisyon ng "Pinoy Big Brother" ng ABS-CBN noong isang taon. Sinabi ni Malalad na dati niyang iniidolo si Alvarez subalit matapos ang pangyayari ay biglang nawala ang respeto niya sa dating basketbolista. Bagama't nakapagpiyansa, haharapin pa rin ni Alvarez ang magkahiwalay na reklamo ng pambubugbog na isinampa ni Cabanlit at Malalad. - Fidel Jimenez, GMANews.TV