Kris Aquino lauded, bashed after revealing she watched AlDub movie
Ibinahagi ng kilalang host-actress at Queen of All Media na si Kris Aquino ang kaniyang paghanga sa mga bumubuo ng pelikulang "Imagine You & Me" matapos niya itong panoorin ngayong linggo kasama ang mga anak na sina Josh at Bimby.
Kasabay nito, hinikayat rin niya ang kaniyang followers na suportahan at tangkilikin ang mga pelikulang Pilipino.
Nakatanggap ng higit sa 21,000 likes ang Instagram post na ito ni Kris, ngunit tila hindi lahat ay natuwa dito.
Ayon sa ilang netizens, dapat ay binanggit rin ng host-actress ang iba pang pelikulang Pilipino na ipinalalabas ngayon sa mga sinehan.
Sagot ni Kris, nais rin naman niyang mapanood ang iba pang Filipino movies na ipinalalabas ngayon at wala siyang sinomang pinapanigan o pinapaboran.
Sa kabila ng mga negatibong reaksyon, maraming tagahanga pa rin ng phenomenal Kalyeserye stars na sina Alden Richards at Maine Mendoza ang nagpasalamat kay Kris para sa suportang ipinakita nito sa tambalan. —JST, GMA News