Seryeng 'Someone To Watch Over Me,' hindi pangkaraniwang love story
Sa unang pagkakataon, magtatambal bilang mag-asawa sina Lovi Poe at Tom Rodriguez sa bagong Kapuso series na "Someone To Watch Over Me" na hindi lang basta pangkaraniwang love story.
Sa showbiz report ni Lhar Santiago sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing ang "Someone To Watch Over Me" ay kuwento rin ng paglaban sa isang sakit na umaagaw sa alaala ng isang tao.
Gagampanan sa serye ni Tom ang papel ng isang asawa at ama na tatamaan ng early onset ng Alzheimer's Disease.
"This will be challenging for me, in a way maggo-grow ako. What we're doing ay hindi lang pala entertainment," anang aktor.
Patuloy pa niya, "We do have some sort of social and moral responsibility. Not just to entertain, but to educate, inform and empower people."
Ayon naman kay Lovi, ipakikita rin sa serye ang pagsasakripisyo para sa pamilya.
"Ipapakita natin na kaya naman natin na magmahal pa rin kahit yung asawa natin 'di na tayo kayang mahalin," aniya.
Kasama rin sa serye sina Max Collins, Boy2 Quizon, Isay Alvarez, at marami pang iba; sa ilalim ng pamamahala ng batikang direktor na si Maryo J. Delos Reyes. -- FRJ, GMA News