ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

What love advice will Marian Rivera give to teenage Zia?


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Proud hands-on mom ang Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera kay Baby Maria Letizia, ang panganay na anak at unica hija nila ng Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes.

Aniya, sinisiguro nilang mag-asawa na personal nilang nasusubaybayan ang paglaki ng kanilang anak.

Sa katunayan, nagkasundo pa nga ang dalawa na hindi sila puwedeng sabay magkaroon ng maraming trabaho upang may mag-aalaga pa rin kay Zia.

“Napag-usapan naming mag-asawa na hindi talaga kami puwedeng sabay mawala sa paglaki na anak ko,” aniya sa panayam ng GMA News nitong Miyerkules.

Mag-iisang taon pa lamang si Baby Zia sa darating na Nobyembre, ngunit marami na ang nagtatanong kung ano ang gagawin ni Marian sakaling may mga desisyon nang nais gawin ang kaniyang anak para sa sarili nito.

Aminado man ang Kapuso Primetime Queen na hindi pa siya handa sa pagdadalaga ng kaniyang anak, mayroon umano siyang mga payo na nais niyang laging matandaan ni Zia.

Aniya nang tanungin tungkol sa payong pag-ibig na ibibigay niya sa anak, “Mahalin niya 'yung sarili niya. Kasi kapag nakita ng tao na mahal niya 'yung sarili niya, walang dahilan para hindi siya mahalin ng tao.”

“Mag-aral muna siya. Kailangan makatapos muna siya ng pag-aaral niya bago niya gawin ang gusto niya. Iba kapag may pinag-aralan at iba kapag may natapos ka,” dagdag ni Marian tungkol naman sa posibilidad na mag-artista rin ang kanilang panganay.

 

A photo posted by Dingdong Dantes (@dongdantes) on

 

Nagpapasalamat umano si Marian sa suportang walang-sawang ibinibigay sa kaniya ni Dingdong, lalo na pagdating sa pagpapalaki kay Zia.

“Mahirap 'yan. May work, pagiging nanay, pagiging asawa. Thankful ako na si Dong ay understanding at suportado niya ako sa lahat ng kilos ko. Alam niya naman na ang focus ko talaga is more on Zia. More time for Zia talaga,” aniya.

Kung may isang bagay nga raw siyang mas lalo pang na-appreciate sa kaniyang asawa ngayong mayroon na silang anak, ito raw ang pagiging “napaka-supportive at sobra-sobrang lawak ng pag-unawa.”

Habang abala ang Kapuso Primetime Queen sa paghahanda para sa bonggang birthday celebration ng “Sunday Pinasaya” sa darating na Setyembre, pinaghahandaan naman ni Dingdong ang bagong GMA Primetime series na kaniyang pagbibidahan, kung saan makakasama niya sina Megan Young, Andrea Torres, Jaclyn Jose, Sid Lucero, at marami pang iba. — Bianca Rose Dabu / AT, GMA News