Duterte, ayaw kay Steve Harvey bilang Miss U 2017 coronation host
Tutol si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagiging host ni Steve Harvey sa coronation night ng Miss Universe pageant 2017 na idadaos sa Pilipinas, ayon kay Tourism Secretary Wanda Teo.
Ibinunyag ni Teo sa press briefing sa Palasyo nitong Huwebes na, "When I told the President about that, negative agad, at ang sabi niya: 'Hindi pwede.' That was what he said. And he said: 'I’m going to talk to the Miss Universe na dapat hindi siya.' So, that’s my problem."
Nabalot sa kontrobersiya ang pagkakamali noong 2015 ng komedyante at Miss U pageant host na si Steve Harvey nang maanusyo niyang si Miss Colombia Ariadna Gutierrez ang Miss U crown winner, sa halip na si Miss Philippines na si Pia Wurtzbach.
Dahil sa pagkakamali ni Harvey, naging Miss Universe si Gutierrez ng ilang sandali, suot-suot ang korona ng pageant.
Agad namang humingi ng paumanhin si Harvey sa harap ng telebisyon at inanusyo ang totoong winner na si Wurtzbach.
Batay sa patakaran ng Miss Universe, mukhang talo si Pangulong Duterte dahil nakakontrata si Harvey sa Miss U sa loob ng limang taon.
Balak na lamang umano ni Teo na imungkaheng magkaroon ng isang Filipina co-host si Harvey sa okasyong iyon.
"Para medyo hindi talagang magiging ... magagalit ang Presidente, siguro maglalagay ako ng a girl from the Philippines that will co-host... probably one from the media," ani Teo.
Idadaos ang Miss U 2017 coronation night sa darating na January 30 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City. —LBG, GMA News