Winwyn Marquez to Mark Herras: 'I will never give up on you'
Aminado si Winwyn Marquez na hindi siya katulad ng nobyong si Mark Herras na mas vocal sa pagpapahayag ng saloobin. Pero sa kanilang guesting sa episode ng “Tonight with Arnold Clavio” na ipinalabas nitong Miyerkules, inihayag ng dalawa kung gaano nila kamahal ang isa't isa.
Nagpakilig ang dalawa nang bigyan sila ng pagkakataong magbigay ng mensahe sa isa't isa sa pamamagitan ng pagbuo ng mga pangungusap mula sa mga mabubunot nilang parirala.
“Pinakamagandang move na ginawa ko ay noong inayos ko ang buhay ko para sa'yo... Sumasayaw ang puso ko sa tuwing nakakasama at nakikita kita,” ayon kay Mark.
Sabi naman ni Wyn, “It takes two to tango, kaya kung anoman ang problem mo, nandito lang ako para sa'yo.”
Bago magtapos ang nakakakilig na segment, inihayag ng dalawa ang kanilang pagmamahal sa isa't isa.
Ayon kay Mark, “Thank you for coming into my life sa tamang panahon, sa tamang age, sa tamang parte ng buhay ko. Thank you for trusting me and loving me every day. I love you.”
“Alam mo naman na hindi ako vocal as you are. Akala kasi ng mga tao, hindi ako sweet. Pero siguro, chine-cherish ko lang 'yung moment na pang-sa ating dalawa lang," pahayag naman ni Wyn.
Pagtatapos ng Kapuso actress, "I will never give up on you. I will love you more every day, each day. Kahit logical ako, o nag-aaway tayo minsan, basta mahal na mahal kita. Alam mo na 'yun." -- FRJ, GMA News