ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Jennylyn Mercado returns to music scene after two years


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Makaraan ang dalawang taon, nagbabalik sa music scene ang Ultimate Star at award-winning Kapuso actress na si Jennylyn Mercado para ilunsad ang kaniyang bagong album na, "Ultimate Jennylyn Mercado."

At sa unang araw pa lang ng paglabas nito sa iTunes, nakuha na kaagad nito ng No. 1 spot.

"Nagulat ako. That's within 24 hours, kaka-release lang. Happy talaga ako. Ang tagal ko ring hindi nakagawa ng album. Nagpapasalamat ako dahil binibili pa rin nila at nagugustuhan nila'yung mga kanta," ani Jennylyn sa panayam ng GMA News.

Kabilang sa mga awitin na laman ng kaniyang sixth studio album ang carrier single na "Hagdan," na collaboration nila ni Christian Bautista para sa remake ng "Suddenly."

Ang awiting "Bulalakaw" ay ginawa naman ni Jen kasama ang Silent Sanctuary, at tatlo pang orihinal na awitin.



Ayon kay Jennylyn, ibang-iba ang tunog ng kaniyang bagong album sa mga nagawa na niya noon.

Marami nga raw pinagdaanang pagsasala ang mga awitin bago sila makapili ng mga isasama sa "Ultimate."

"Sinubukan naming mag-produce ng bagong sound para sa mga tao na sumusuporta sa akin. At maganda rin namang makinig ng mga bagong tunog, 'yung mga in ngayon. Sinubukan ko lang, at maganda naman ang kinalabasan," kuwento ng aktres.

Dagdag pa niya, "Gusto namin na something different. Iba naman 'yung choices ng music namin. 'Yung past few albums ko, puro love songs na masakit. Ngayon, ibang feel naman. At hindi namin pinilit na gawing related sa buhay ko. Gusto ko na maka-relate lahat ng tao."

Ano nga ba ang naging pamantayan ni Jennylyn sa pagpili ng mga awitin para sa kaniyang comeback album?

Aniya, "Importante sa akin na kapag pinakinggan ko, first few notes pa lang, nakukuha ko na 'yung melody. 'Yung catchy ang music. Importante 'yon, na first few notes pa lang ay interesting na para pakinggan 'yung buo. Doon mo mapi-feel kung maganda siya. Susunod na lang 'yung lyrics at iba pa."

Maliban sa kaniyang pagbabalik sa music scene, abala rin ngayon si Jennylyn sa paghahanda para sa iba pa niyang showbiz projects, kabilang na ang pagbida niya sa Pinoy remake ng hit Korean TV series na "My Love From The Star." -- FRJ, GMA News