ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Nakapiit na si Krista Miller, napag-alamang buntis


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sa paglipat ng piitan sa starlet na si Krista Miller sa Valenzuela City Jail mula sa Camp Karingal sa Quezon dahil sa kinakaharap na kaso tungkol sa iligal na droga, inamin niyang nagdadalang-tao siya.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, emosyonal na nagpaalam si Miller sa kapwa celebrity na nakadetine sa Camp Karingal na si Sabrina M.

Pero bago dalhin sa Valenzuela City Jail si Miller, isinailalim muna siya sa physical examination sa Quezon City Police District crime laboratory, at dito niya inamin na magli-limang buwan na siyang buntis.

Sa panayam, sinabi ni Miller na maayos naman ang baby sa kaniyang sinapupunan.

Bukod sa ipinagbubuntis, may isa pang anak si Miller na anim na buwan na labis daw niyang nami-miss.

Ang anak at ang sanggol sa sinapupunan ang mga inspirasyon daw ni Miller para makapagbagong-buhay.

Kung mabibigyan ng pagkakataon, nais ng single mom na si Miller na bumalik sa showbiz.

Nakulong si Miller matapos mahuli noong Sept. 30 sa isang buy-bust operation.

Nahaharap siya sa kasong pagtutulak ng iligal na droga.

Gaya ni Miller, ang mga anak din ang nasa isip ni Sabrina M., at dahilan sa hangarin niyang pagbabagong buhay.

Nakakulong si Sabrima M. matapos na mahuli rin ng mga awtoridad sa hiwalay na buy-bust operation.

Nabasahan na ng sakdal nitong Huwebes si Sabrina M. -- FRJ, GMA News

Tags: kristamiller