Dingdong Dantes, nag-timeout sa 'Alyas Robin Hood' para sa birthday ni baby Zia
Nag-timeout muna si Dingdong Dantes sa kaniyang hit series na "Alyas Robin Hood" para sa simpleng selebrasyon ng unang kaarawan ng anak nila ni Marian Rivera na si Maria Letizia o baby Zia.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA news "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing mas kapana-panabik ang mga tagpo sa hit Kapuso primetime series na "Alyas Robin Hood," dahil sa pagkakahuli ng karakter ni Dingdong na si Pepe.
Bukod kay Pepe, hawak din ng grupo ng kontrabidang si Mama Daisy, na ginagampanan ni Dina Bonnevie, ang kanyang pamangkin na si Lizzie.
Dapat abangan kung papaano makatatakas si Pepe at kung paano nila masasagip si Lizzie.
Hindi raw magsasawang magpasalamat si Dingdong sa patuloy na pagsubaybay ng mga manonood sa kanilang serye.
Kaya naman daw bawat eksena ay lalo nilang pinaghahandaan at pinagbubutihan para sa ikasisiya ng mga Kapuso.
Sa kabila ng pagiging busy sa serye, tiniyak ni Dingdong na makapagpahinga siya ngayong Miyerkules para makasama ang kanyang maybahay na si Marian at ang anak nilang si baby Zia, na nagdiriwang ng unang kaarawan.
Wala mang bonggang party si baby Zia, ang mahalaga raw ay buo ang kanilang pamilya at kasama ang mga malalapit sa buhay sa espesyal na araw na ito.
"Magkakaroon kami ng maliit na miryenda with family and kasama yung mga ninong and ninang, mga ganun lang muna," ayon sa aktor. "Saka na yung mga selebrasyon na may clowns kapag ano... nakakaintindi na siya." -- FRJ, GMA News