Ate Gay to Marian Rivera: 'Mamahalin ko kayo habang ako'y nabubuhay'
Labis-labis ang pasasalamat ng comedian-impersonator na si Ate Gay sa Kapuso Primetime Queen Marian Rivera dahil sa pagtulong sa kaniyang kaibigan na si Boobay na nakaranas kamakailan ng stroke.
Sa Instagram, nag-post si Ate Gay ng larawan na kasama niya sina Marian at Boobay, at nilagyan niya ito ng mensahe para sa Kapuso actress.
"Di ako nagkamali ng pakiramdam mabuting tao si Marian ... salamat sa pagsagip kay boobay ha .. mamahalin ko kayo habang akoy nabubuhay .. salamat salamat salamat," saad ni Ate Gay sa caption ng larawan.
Sa isa pang post, humingi ng paumanhin si Ate Gay sa mga hindi niya nasagot na tawag o text na nagtatanong sa kalagayan ni Boobay.
Samantala, may magandang balita naman ng kaibigan ni Boobay na si Kent Juan Resquir, na inilabas na sa ICU ang Kapuso host-comedial at inilipat na sa recovery o regular room.
-- FRJ, GMA News