Paolo Ballesteros: Winning MMFF 2016 Best Actor is ‘a different kind of joy’
Hindi man nakadalo sa Metro Manila Film Festival 2016 Gabi ng Parangal nitong nakaraang Huwebes, nagpaabot pa rin ng labis na pasasalamat ang Kapuso host-actor at “Eat Bulaga!” Dabarkads na si Paolo Ballesteros para sa natanggap niyang pagkilala.
Aniya, kahit na dalawang beses na siyang naparangalan sa ibang bansa, kakaibang saya pa rin ang hatid ng pagtanggap ng parangal mula sa sarili bansa.
“Winning two acting awards international is quite overwhelming. But being recognized as the Best Actor in your own country gives a different kind of joy,” ayon kay Paolo sa isang Instagram post nitong Sabado.
Dagdag pa niya, “To the MMFF, maraming salamat and congratulations for a very successful festival. It is only the beginning and we will continue making movies that will be competent both locally and internationally.”
Matatandaang kinilala rin ang Kapuso star bilang Best Actor sa naganap na Tokyo International Film Festival noong nakaraang taon, at tinaggap niya rin ang Sepcial Jury Award for Outstanding Performance mula naman sa International Film Festival of Kerala.
Labis rin ang pasasalamat ni Paolo sa mga nakasama niya sa pagbuo ng “Die Beautiful,” kabilang na ang direktor na si Jun Lana, pati na sa mga walang-sawang sumuporta sa kaniya at sa pelikulang pinagbidahan niya.
Alay raw ng aktor—na gumanap bilang ang transgender na si Trisha Echevarria—ang pelikula sa lahat ng mga miyembro ng LGBT community.
Aniya, “To the LGBT community, let this movie be an inspiration to everyone... Direk!!! Awards pa more! Festivals pa more! Let's go for the Oscars! Mabuhay Philippines!”
At dahil hindi ako nakarating... #mmff2016 #gabingparangal #dieBeautiful
A photo posted by Paolo Ballesteros (@pochoy_29) on
Kasabay ng sunud-sunod na pagkilalang natanggap niya noong 2016, proud na ibinahagi ni Paolo na tila sumusunod sa kaniyang yapak ang anak niyang si Keira Claire, na kamakailan lamang ay pumirma ng kontrata sa isang modelling agency sa America.
"Nagpirma siya sa modeling agency sa Chicago, so sabi ko naman, go! Kung ano ang gusto niya. Kasi ako, if I were given a chance nung bata ako, bagets pa lang ako gusto ko nang mag-artista. So, I guess, ganun din ang nararamdaman niya,” ayon sa proud father.
Kasalukuyang nag-aaral at naninirahan sa Chicago, Illinois ang 8-year-old daughter ni Paolo kasama ang ina nitong si Maria Katrina Nevada.
Kuwento ng Kapuso host-actor, “Gusto niya mag-artista. Maarte din, e. Nahuhuli ko sa bahay kinakausap ang sarili sa salamin, uma-acting-acting." —ALG, GMA News