ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Director's Guild of the Philippines to investigate alleged animal cruelty in 'Oro'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Matapos matanggap ang liham mula sa Philippine Animal Welfare Society (PAWS), magsasagawa rin ng kanilang sariling imbestigasyon ang Director's Guild of the Philippines (DGPI) kaugnay sa kontrobersyal na eksena sa pelikulang “Oro,” na mayroon umanong totoong aso na pinatay.

Sa pahayag ni Mike Sandejas, DGPI president, kinokondena ng kanilang grupo ang anomang ilegal na gawain sa pagbuo ng isang programa o pelikula.

Sakaling mapatunayang nagkasala, titiyakin umano ng DGPI board na makatatanggap ng karampatang parusa ang direktor ng pelikula na si Alvin Yapan, na miyembro ng nasabing grupo ng mga direktor sa bansa.

“As an institution and the foremost organization of film and TV directors, DGPI does not condone any illegal acts, rights violations, and animal cruelty committed during the filmmaking process,” ayon kay Sandejas.

Dagdag pa niya, “In light of this, DGPI will investigate the complaint brought by PAWS iand if appropriate, commensurate sanctions will be imposed on the member.

Sa liham ng PAWS para sa DGPI, sinabi ng animal welfare group na napatunayang nagsinungaling si Yapan tungkol sa pagpatay sa isang aso sa 'Oro,' na kabilang sa mga kalahok sa Metro Manila Film Festival (MMFF). 

Tila nalinlang din umano nito ang mga manonood nang palabasin na paglalarawan lang o hindi totoo ang ginawang pagpatay sa aso sa kontrobersiyal na eksena sa pelikula. 

Inamin din umano ng direktor ng "Oro" sa isang miyembro ng MMFF executive committee na binili nila ang aso sa may-ari nito. 

READ: PAWS, hiniling sa Directors' Guild of the Philippines na i-ban ang direktor ng 'Oro'

Ayon kay MMFF Execom member at Film Development Council of the Philippines chairperson Liza Diño-Seguerra, ipinahinto na ang pagpapalabas ng nasabing pelikula sa mga sinehan simula nitong Martes, at hindi ito mapapanood muli hangga't hindi nagagawa ng production team ang ilang kondisyon na ibinigay ng MMFF. -- FRJ, GMA News