AiAi delas Alas on winning international award: 'Natulala ako... sabay iyak!'
Labis ang tuwa ng Kapuso host-actress at “Sunday Pinasaya” star na si AiAi delas Alas nang matanggap ang magandang balita ng pagkapanalo niya ng Best Female Actor award sa naganap na Queens World Festival sa New York City.
Natanggap ng aktres ang parangal para sa kaniyang natatanging pagganap sa pelikulang “Area,” kung saan binigyang-buhay niya ang isang aging prostitute.
Hindi man personal na nakadalo sa gabi ng parangal, aminado ang aktres na hindi niya napigilan ang maging emosyonal.
Kuwento niya sa isang Instagram post nitong Lunes, “Paggising ko, sinabi ni Gerald (na nanalo ako), natulala ako, sabay iyak, sabay luhod, at umiyak sa pasasalamat at nanginginig pa katawan ko.”
“Buti wala ako sa NYC kasi baka mahimatay ako, hindi ko din makuha ang award!” pabiro niya pang dagdag.
Ayon kay AiAi, ibinabahagi niya ang natanggap na pagkilala sa mga nakasama niyang bumuo ng “Area,” kabilang na ang batikang direktor na si Louie Ignacio, na talagang malaki raw ang naging tulong sa kaniya mula sa pagkuha ng pinakaunang eksena.
Mensahe niya sa direktor, “Salamat, Direk, sa pagtitiyaga mo sa first scene na 'yun. Kung hindi mo ako tinulungan sa eksena, hindi 'yun magiging posible.”
Bahagi rin daw ng kaniyang tagumpay ang lahat ng mga aktres na nominado sa nasabing kategorya, pati na ang kaniyang mga anak at ang kaniyang kasintahan, na nagsilbing inspirasyon upang lalo niyang pagbutihin ang pag-arte.
Nagpapasalamat rin si AiAi sa kaniyang buong pamilya at mga tagasuporta.
Pagtatapos ng aktres, “MAMA MARY, thank you pinakinggan mo ang hiling ko sa'yo na ibulong mo sa makapangyarihan mong Anak ang mga hiling ng aking puso.. AND TO GOD THE ALMIGHTY, LORD JESUS CHRIST, WALANG HANGGANG PASASALAMAT SA PAGMAMAHAL AT LAHAT NG BLESSINGS NA IBINIBIGAY N'YO... I LOVE YOU PO!”
Maliban sa pagkapanalo ni AiAi, isa pang biyaya ang natanggap ng “Area” ngayong taon—ang pagiging bahagi ng 41st Cleveland International Film Festival.
“Ang daming blessings, Panginoon. Congrats, Team AREA!!!!!!” ayon kay Direk Louie.
Ang damng blessings Panginoon????congrats Team AREA!!!!!! @msaiaidelasalas
A post shared by Louie Ignacio (@lagdameolouie) on
Bago pa man ang mga karangalang natanggap ngayong taon, iginawad na sa “Area” noong 2016 ang Special Jury Prize sa 12th Eurasia International Film Festival. —ALG, GMA News