AiAi delas Alas, inilahad ang kaniyang next dream role
Matapos siyang kilalanin bilang Best Actress sa Queens World Film Festival para sa kaniyang pagganap sa "Area" bilang isang prostitute, inilahad ng Kapuso actress at Comedy Concert Queen na si AiAi Delas Alas ang pangarap na role na nais niyang gampanan sa pelikula.
Matatandaang binigyang-buhay ni AiAi sa "Area" ang role ng isang "aging prostitute," na isa umano sa mga itinuturing niyang dream roles.
Sa isang panayam nitong Huwebes, sinabi ng aktres na, "Nagpapasalamat talaga ako kay Lord. In spite at despite ng mga pinagdaanan ko, nandito pa rin ang talent na binigay niya sa akin. Salamat kasi hindi Niya pa kinukuha. Marami pa siguro Siyang plano para sa akin, para madami pa akong matulungan, mapasaya."
Patuloy ni AiAi, "Ang maibahagi ko ang talentong binigay ng Panginoon, blessing 'yon. Itong mga award na ito, bonus na ito. Bonus na ma-recognize ka, pero ang importante ay maibahagi mo sa iba ang purpose mo sa mundo. In my case, magpaligaya at makaapekto ng mga tao."
Nais umano ni AiAi na mabigyan siya ng pagkakataon na makapagbigay-buhay ang karakter na maaaring magsilbing inspirasyon o aral sa mga manonood.
Patuloy man siya sa paggawa ng comedy films, tulad ng "Mighty Yaya" na ipapalabas ngayong taon, ipinagdarasal ni AiAi na magkaroon pa sana siya ng drama projects.
"Medyo mapili ako sa movies... 'Yung ibang story naman sana na hindi ko pa nagagawa, o 'yung nagawa ko na pero ibang atake naman... Ibang flavor, ibang genre, ibang category," ayon sa batikang aktres.
Nang tanungin kung ano ang susunod na dream role na nais niyang magampanan, sinabi ni AiAi na nais niyang bumida sa isang biographical movie.
"Gusto ko sana si Mother Teresa. Idol ko 'yon," ayon sa Kapuso star.Si Mother Teresa, o Saint Teresa of Calcutta ay isang Albanian-Indian Roman Catholic nun at missionary na nakilala ng buong mundo dahil sa kaniyang pagkakawang-gawa.
Ayon kay AiAi, "Gusto kong makita nila kung ano ang struggles niya bago siya maging saint. Anong mga ginawa niya, ano ang ugali niya."
Kilalang Marian devotee ang aktres kaya naman magiging isang malaking karangalan umano para sa kaniya ang gumanap bilang isang santo.
Maliban sa kaniyang pagbida sa "Sunday Pinasaya" at "Hay Bahay," mapapanood rin si AiAi sa isang Lenten special episode na inihanda ng "Eat Bulaga!" ngayong taon. -- FRJ, GMA News