Meg Imperial on going toe-to-toe with Kim Domingo: 'Madaming dibdiban!'
Bibida sa kaniyang unang Kapuso show ang aktres na si Meg Imperial bilang bahagi ng star-studded cast na magbibigay-buhay sa kakaibang kuwento ng “D' Originals,” kung saan makikita ang labanan ng “original wives” at mga kabit.
Gaganap si Meg bilang Alice, ang kabit na makakaharap ni Sofia, na bibigyang-buhay naman ng Kapuso actress-comedienne na si Kim Domingo.
Ayon kay Meg sa isang press conference nitong Miyerkules, “Thankful ako sa Kapuso Network for giving me the opportunity. I'm very happy with their treatment dahil nafi-feel ko na inaalagaan talaga nila ang artista.”
“I'm really looking forward to this project... The cast is so fun to be with. I appreciate it and I'm really happy,” dagdag pa niya.
Handa na ba siyang makipagtalbugan sa tinaguriang “Pantasya ng Bayan”?
Aniya, “Madaming dibdiban! Maraming batuhan ng linya... Siyempre, hindi ako magpapatalo. 'Yun naman talaga ang kailangan—sa character ko dito and in real life.”
“Hindi naman puwedeng masyadong nagpapakahinhin sa showbiz dahil lahat tayo ay nasa competition when it comes to talent and everything else—but it's all friendly,” pahayag pa ni Meg.
Kahit na walang-humpay ang kanilang magiging bangayan sa “D' Originals,” mabuting magkaibigan raw sina Meg at Kim sa likod ng camera.
“This is the first time we worked together. Ito rin ang first time na nagkakilala kami in person. May awkwardness at first... May pakiramdaman. But afterwards, wala na. Tuloy-tuloy na, nagkakausap kami. Okay kami, wala kaming problema. Natatawa na lang kami sa mga chismis. One time, may ipinakita siya sa aking issue, and sabi niya, 'Look! Ang funny. Talaga naman ang showbiz,'” ayon kay Meg.
Dugtong niya, “Okay ang working relationship namin. Sa mga eksena, napaka-professional and we talk about it, kung paano mapapabuti. Nakakatuwa dahil may rapport ang bawat pair dito sa show. Walang insecurity sa trabaho or anything. Talagang may friendship na nabuo sa cast.”
Makakasama nina Meg at Kim sa GMA Afternoon Prime series na “D' Originals” sina Jaclyn Jose, Jestoni Alarcon, Katrina Halili, LJ Reyes, Mark Herras, Lovely Abella, Archie Alemania, Elyson de Dios, Mikoy Morales, Chlaui Malayao, at Arny Ross.
Mapapanood na ang pinakabagong Kapuso sexy drama-comedy series sa darating na Lunes, April 17. —JST, GMA News