GMA News Online
Showbiz

Manilyn Reynes celebrates 25th year in showbiz

September 20, 2007 5:41pm
Isang napakalaking achievement para sa isang artista ang tumagal ng quarter of a century sa showbiz industry. Kaya naman tuwang-tuwa si Manilyn Reynes na narating niya ang milestone na ito sa kanyang caeer.

Nagsimula si Manilyn bilang isang child star sa mga pelikula ng Regal Films at sumikat siya nang husto noong dekada 80 dahil sa That's Entertainment ni Kuya Germs. Hindi na rin mabilang ang mga blockbuster movies na nagawa niya at nagkaroon pa siya ng sariling musical variety show, ang Manilyn Live!. Dahil sa kanyang mga achievments, binansagan siyang "The Star of the New Decade."

Hanggang sa mapangasawa niya ang kanyang pinakahuling leading man at kasama sa That's Entertainment na si Aljon Jimenez. Nagdesisyon si Manilyn na mas pagtuunan ng pansin ang kanyang pamilya at iwanan muna ang showbiz.

"Can you imagine, five years ago, I tried to penetrate the business again. Nag-launch ako ng album nun pero iniisip ko parang ang hirap na ‘ata kasi may asawa't anak na ako noon. Then, right after the launching, I got pregnant again," kuwento ni Manilyn sa PEP (Philippine Entertainment Portal) at GMA News.

Malaki ang pasasalamat ni Manilyn dahil na-reinvent niya ang kanyang sarili. Bunga nito, hindi lang siya basta nakabalik sa showbiz scene, naging isa pa siya sa pinaka-busy na artista ngayon.

"Nakakatuwa nga dahil I get to sing on the side, umaarte pa ako sa Marimar and I host Moms sa QTV 11," masayang sabi ng actress-singer.

MANILYN'S SECRET. Malaki raw ang kinalaman ng kanyang personal life sa kanyang pagiging successful ngayon. Sa mahigit isang dekada nilang pagsasama ang kanyang asawa na si Aljon, ni minsan daw ay hindi sila nag-away.

"Siguro maganda kasi yung we communicate a lot. Kapag may problema, ‘Halika upuan natin, pag-usapan natin.' Hindi na namin pinatatagal," kuwento ni Mane.

"Siguro sa tinagal-tagal namin, we never argued, not once," pagmamalaki naman ni Aljon, na sinamahan si Manilyn sa presscon para anniversary concert ng kanyang maybahay.

Isang kayamanan daw ni Manilyn ang kanyang pamilya. Bawat oras daw ay talaga namang ninanamnam niya bilang isang asawa at ina.

"Sino ba naman ang hindi matutuwa?" saad niya. "Minsan, pagod ako sa shooting, sinundo ako ng mister at dalawang anak ko sa set. Pag-uwi ko sa bahay, yung isang anak ko, taga-bukas ng aircon, yung isa naman binigyan ako ng kumot sabay sabi, ‘Mommy, rest ka muna.' Nakakataba talaga ng puso, di ba?"

CORAZON'S HEART. Hindi rin itinanggi ni Manilyn na sobrang hirap ang ibinubuhos niya sa kanyang role bilang Corazon sa GMA-7 telenovela na Marimar.

Bukod sa patung-patong na damit at petticoat, buong araw siyang naka-body makeup para umitim.

"Ang hirap talaga!" bulalas niya. "Pero kapag nakikita mo yung reaksiyon ng mga tao, nung mga manonood, matutuwa ka talaga. Parang mawawala lahat ng hirap mo."

Ayon pa sa kuwento ni Manilyn, apat na oras ang binabiyahe ng mga artista ng Marimar para matunton ang isang mala-paraisong resort sa Zambales kung saan nagte-taping ang naturang telenovela.

Wala raw reklamo si Aljon na inihahatid ang kanyang misis sa tuwing kailangan ito sa set.

"Puwede naman kasi kaming kumuha ng driver. Iasa na lang namin sa driver, pero sayang naman yung bonding time namin. Apat na oras din 'yon na kami lang ang magkakasama. Minsan, isinasama namin mga anak namin. Ang sarap pag kayo lang ang nasa road," kuwento ni Aljon.

SILVER ANNIVERSARY. Sa October 27 gaganapin ang anniversary concert ni Manilyn Reynes sa Aliw Theatre. Special guests niya ang kanyang mga naka-loveteam (at nakarelasyon noon) na sina Ogie Alcasid, Janno Gibbs, at Keempee de Leon.

Manilyn will take us down memory lane habang kinakanta niya ang kanyang mga hits dati, gaya ng "Sayang Na Sayang," "Pangako," "Mister Disco," "Feel Na Feel," "Somewhere Along The Way," at iba pa.

"Napaka-espesyal para sa akin ng gabing ‘yon kaya sana samahan ako ng mga bagets nung [decada] 80. Talagang matutuwa sila dahil sa sa sorpresa na inihanda namin," pangako ni Manilyn. - Philippine Entertainment Portal