GMA News Online Public Affairs

Pinoy singing sensations, Sto. Niño, green honey

January 24, 2008 5:25pm
Episode on January 26, 2008
Saturday, 8:30 p.m.

Pinoy Idols

Muli na namang pinatunayan ang galing ng Pinoy pagdating sa kantahan. Kamakailan lang, sa "Musical Die Show" sa Vienna, Austria, isang Pinoy ang tinanghal na kampeon – si Vincent Bueno.

Parehong Pilipino ang mga magulang ni Vincent. Ipinanganak at lumaki man sa Vienna, hindi pa rin nawawala ang pagka-tatak Pinoy nito. Sa katunayan, marunong pa rin daw itong mag-Tagalog.

Mukhang padami na talaga ng padami ang mga Pinoy na nakikilala sa international music scene. At madadagdag sa listahan na yan si Arnel Pineda. Matapos niyang mag-upload ng video niya na kumakanta sa You Tube, nakita ito ng isang banda sa Amerika na sikat noong 90's ang "Journey Band."

At tamang-tama na naghahanap sila ng bagong lead singer kaya inaalok nila ng kontrata si Arnel.

Ilan lamang sina Arnel at Vincent sa mga Pilipinong umaasa na sa pamamagitan ng kanilang mga gintong tinig.maabot nila ang tagumpay at makilala ng lahat ang angkin nilang talento.

Musmos na Propeta

Ang Sto. Niño na marahil ang pinakasikat na imahen sa Pilipinas. Libu-libo ang mga deboto nito sa buong kapuluan at samu't sari ang mga kapistahang alay sa kanya. Ano nga bang meron sa imahe ng batang ito na nakakaaakit ng ganito kainit na debosyon?

At sa hindi maipaliwanag na dahilan, ito rin daw ang imahen na sumasapi sa ilang mga Pilipino, kasama na ang mga bata? Sila ang mga bata na kung tawagin ay mga musmos na propeta.

Green Honey

Isang bagong produkto ang pinagkakaguluhan ngayon sa Palawan, ang "Green Honey". At ang pukyutan daw nito, hindi nakasabit sa puno, sa halip, matatagpuan daw sa ilalim ng lupa. Sa underground hive na ito, makukuha ang green honey.

Bihira daw ang ganitong klase ng honey na diumano'y pwedeng gamiting gamot sa sugat, ubo at ilan pang karamdaman. Ngunit mahirap makuha ang green honey. Ang kagat ng mga bubuyog kasi na nagbabantay rito ay maaaring ikamatay ng tao.

Pero sa kabila ng lahat, may iba namang mga eksperto na nagdududa kung talaga nga bang may "Green Honey."

Talong

Bagamat karaniwang tinatawag na isang gulay, alam nyo bang ang talong ay isang uri ng prutas?

At para sa mga taga-Villasis, Pangasinan, walang hanggang biyaya ang hatid ng talong. Malaki ang produksyon ng Villasis ng talong kaya naman naisipan nilang gawan ng paraan para mahikayat ang karamihan, lalo na ang mga kabataan, sa pagkain nito.

Kaya naman taon-taon kung kanilang ipagdiwang ang "Talong Festival." Sa mismong pitsa, nagkaroon pa ng "cooking competition" kung saan iba't-ibang klase ng luto ng talong ang pwedeng matikman ng mga dumadayo sa Pangasinan.

Ito na nga kaya ang prutas na tutulong sa pagresolba sa lumalalang problema sa pagkagutom sa ating bansa?