Celebrity Life

Toni Gonzaga, may mahalagang aral na natutunan mula sa ama

By EJ Chua

Isa si Toni Gonzaga sa Filipino celebrities na talaga namang maraming tagahanga.

Sa isang panayam, ibinahagi ni Toni ang ilang aral sa buhay na nakuha at natutunan niya mula sa kanyang ama na si Carlito “Bonoy” Gonzaga.

Ayon sa aktres at host, noong nagsisimula pa lamang siya sa mundo ng show business, mayroong laging paalala sa kanya ang kanyang ama.

Pahayag niya, “Kasi ang daddy ko noon, driver ko, siya ang laging nagsasabi sa akin… hindi lang sa industriya, na kapag matampuhin ka, talo ka sa buhay.”

Dagdag pa ni Toni, “Kapag pikon ka, matampuhin ka, mapagtanim ka ng sama ng loob, matatalo ka sa buhay. Kasi, ang bigat ng magiging pamumuhay mo. Palagi kang may bitbit. Laging sinasabi ng daddy ko 'yun.”

Bilin din daw ng kanyang ama, “Huwag kang magtatanim ng galit kasi bibigat ang pakiramdam mo, bibigat ang paningin mo. Parang maliit na bagay, triggered ka.”

Kasunod nito, nagbigay-pugay ang aktres at host sa kanyang mga magulang na sina Bonoy at Pinty Gonzaga.

Ayon kay Toni, malaki ang naitulong ng paggabay sa kanya ng kanyang mga magulang upang maging isa siyang mabuting tao.

Pagbabahagi niya, “Lahat ng credit ibinibigay ko sa kanila [parents]. Sabi ko, kaya lang siguro ako naging matino sa buhay dahil nagabayan ako ng mga magulang ko.”

“Siguro kung hindi ako nagabayan, baka wala wala rin ako sa buhay,” sabi pa niya.

Bukod sa pagiging aktres at host, si Toni ay ang nakatatandang kapatid ng aktres at vlogger na si Alex Gonzaga.

Si Toni ang loving wife ng direktor na si Paul Soriano.

Sila Toni at Paul ay mayroong dalawang anak, sina Seve at Paulina.