Celebrity Life

Karelasyon presents 'Scandal'



Pangarap ng maraming babae na makatagpo ng lalaking handang magpakasal at makasama sila habambuhay. Si Marose, tila matutupad na ang pangarap na ito sa katauhan ng mabait na boyfriend niyang si Leo.

Subalit may mistulang bangungot na maaring pumigil sa katuparan ng pangarap na ito ni Marose. Kung kailan sinimulan na niyang asikasuhin ang mga paghahanda para sa kanilang kasal ni Leo, ay saka pa bumalik sa kanyang buhay at manggugulo ang dating kasintahan na si Brando!

Pinupwersa siya ni Brando na makipagbalikan sa kanya at hinihiling na huwag nang ituloy ni Marose ang pagpapakasal kay Leo.



Pananakot ang ginamit na pamamaraan ni Brando. Pinanghahawakan daw niya ang isang lihim na sex video nila ni Marose na malalaman at makikita ng maraming tao kung hindi susunod si Marose sa mga gusto niya.

Ano ang dapat gawin ni Marose? Dapat ba siyang magsumbong sa mga pulis? Subalit anong mangyayari kapag nalaman na ito ni Leo? Mas mabuti kaya kung isikreto na lang ito ni Marose, at magpanggap na susundin ang mga kahilingan ni Brando hanggang sa mahanap at mabura ang mga maselang video? Matutuloy pa kaya ang kasal nila ni Leo?

Isa na namang kakaibang istoryang hango sa tunay na karanasan ng magkarelasyon ang inyong mapapanood ngayong Sabado ng hapon sa GMA.

Sa paglalahad ni Ms. Carla Abellana, tunghayan ang kwentong ito sa Karelasyon ngayong May 23, 2:30pm pagkatapos ng Eat Bulaga