TV

Magpakailanman presents 'Anak, Bakit Ka Nagkaganyan?'

Pangarap ng isang ina na maging maganda ang buhay ng kanyang anak pero paano kung gamitin ng isang sindikato ang kanyang anak para magbenta ng droga?

Ngayong Sabado, panoorin natin ang napapanahon at totoong kwento ni Mawi - isang ina na hindi sumuko at ginawa ang lahat upang mabawi ang kanyang anak na si Erika sa kamay ng malaking sindikato ng droga.

Pangarap ni Erika na makatapos ng pag-aaral at magkaroon ng magandang trabaho para i-ahon sa hirap ang kanyang pamilya. Suportado siya ng kanyang mga magulang na sina Mawi at Esteban, maging ng kanyang Ate Jennifer.

Pero isang araw, naghiwalay ang kanyang mga magulang dahil sa pambababae ni Esteban. Sinundan ni Erika si Esteban para pauwiin. Sa kasawiang-palad, siya ay ginahasa ng apat na adik at iniwan sa daan para mamatay. Nahuli ang mga suspek at nanalo si Erika sa kaso. Subalit, hirap siyang kalimutan ang trahedyang nangyari. Ang masaklap pa, binu-bully pa siya sa eskwelahan dahil sa nangyaring gang rape sa kanya. Lalo ring gumulo ang pamilya ni Erika kaya ang tanging kinapitan ni Erika ay ang kaibigang si Richie.

Naimpluwensiyahan si Erika ni Richie na magdroga para makalimutan daw niya ang mga problema niya. Agad naman siyang nabuking, at ipinagamot din nina Mawi at Esteban sa isang rehabilitation center. Dito na nakilala ng pamilya si Jason na may-ari ng isang non-profit organization na tumutulong sa mga kabataan para makaiwas sa droga at patuloy silang gumaling sa sakit na drug addiction. Ipinagkatiwala si Erika nina Mawi kay Jason sa pag-asang makakatulong ito sa paggaling ni Erika.

Pero si Jason pala ang muling sisira sa buhay ni Erika! Isang lider ng kontrobersiyal na sindikato si Jason at plano niyang gamitin si Erika para sa pagbebenta ng droga! Paano kung dahil sa hindi pagpayag ni Erika na magpagamit kay Jason ay patayin naman nito ang kanyang pamilya? Makakatakas kaya siya sa kamay ng sindikato ng droga? Sa kabilang banda, sakaling matuklasan ni Mawi ang sikreto ni Jason, paano naman niya lalabanan ang malaking sindikato ng droga? Magawa kaya niyang iligtas ang anak?

Ngayong Sabado, March 16, tunghayan natin sa Magpakailanman ang “ANAK, BAKIT KA NAGKAGANYAN?” Itinatampok ang mga batikang Kapuso stars na sina Lotlot de Leon bilang Mawi, Therese Malvar bilang Erika, Gerald Madrid bilang Esteban, Andrew Schimmer bilang Jason, Nikki Co bilang Richie at Angela Evangelista bilang Jennifer.

Sa ilalim ng mahusay na direksyon ng award-winning indie director na si Adolf Alix Jr., mula sa pananaliksik at panulat ni Karen P. Lustica.