Celebrity Life

EXCLUSIVE: Glaiza de Castro, nakahiligan ang manual labor ngayong stranded sa Baler

By Cherry Sun

Nakahiligan na ni Glaiza de Castro ang ilang manual labor at gawaing bahay ngayong naka-quarantine siya sa Baler kasama ang kanyang mga magulang at nobyong si David Rainey.

Sa exclusive interview ng GMANetwork.com, kapansin-pansin ang saya ni Glaiza sa mga simpleng bagay kahit naipit sa probinsya dahil sa Luzon-wide enhanced community quarantine.

Aniya, ikinagulat niya ang kanyang nadiskubreng pagkahilig sa pagpipintura.

Kuwento ng aktres, “Hindi ko na-imagine na makakahiligan ko 'yung pagpipintura. Hindi pagpipinta, e, pagpipintura talaga. Nagsimula 'yun sa mga paso eh.

"Kasi si David, since ang dami niya ring napapansin at hindi siya talaga nawawalan ng gagawin. Parang sabi niya, tinanong niya ako kung gusto ko daw bang pinturahan 'yung mga paso. Sabi ko, 'Seryoso ba?'

“So, nakakatuwa kasi pag nakikita mong aesthetically appealing 'yung isang bagay, kahit ano pa 'yan, nai-inspire ka tapos after that parang nag-iisip pa ako, 'Ano ba 'yung ibang mga bagay na pwede ko pinturahan?'

Ang ideya ni David na nagsimula sa dalawang paso, nadagdagan pa ng ilang mga paso at hanggang sa pagpipintura na ng hagdan at pader ng inaayos nilang gym ang kanilang inasikaso.

Maliban dito, abala rin si Glaiza at kanyang nobyo sa pagtulong sa kusina.

Kung hindi sila ang nagluluto ni David, sila raw ang naghuhugas ng mga pinagkainan.

Aniya, “Most of the time kaming dalawa kasi mas maalam si David sa pagluluto so ako 'yung parang sous chef niya.”

Dugtong din niya, “Minsan nga kapagka si Nanay o si Tatay 'yung nagluluto, siyempre parang kami naman 'yung naka-assign sa paghuhugas ng pinggan. At saka ano ko siya, masaya akong ginagawa siya kasi nakaka-relax.”

Minsan ay si Glaiza rin ang bahala sa mga labada.

Bahagi niya, “Meron kasi akong isang pang nilabhan, 'yung mga cloth namin for drying the plates.

"Isang araw sobrang dumi niya, nagamit ata siya sa window or sa mesa na madumi. So kinuskos ko, talagang mano-mano ko siyang tinanggal.

"Ayun 'yung mga little joys na na-re-realize ko kasi satisfying kapag nakikita mong malinis, maayos 'yung kahit anong bagay na nasa bahay mo.”

Nang dahil sa kanilang pamamalagi sa Baler, nagkaroon din ng oportunidad na mag-aral si Glaiza ng gardening.

Nagpaturo raw siya sa kanyang ama na mayroong tinatawag na green thumb.

“Ayun, first time ko. Unexpectedly, natuwa naman ako na ganun pala siya. Parang ipa-plant mo lang talaga basta 'yung ugat niya nakabaon na.

Ayun, sabi niya tutubo na daw 'yun. Parang kinabukasan tumubo na nga siya, may mga flowers pa kaya nakakatuwa,' sambit ng aktres.

Simula noong March 12 ay sa kanilang property na tinatawag na Casa Galura sa Baler sila namamalagi.

TINGNAN: Ang buhay probinsya ng mga artista sa gitna ng COVID-19 outbreak

Glaiza de Castro, nag-crash course sa domestic life

Glaiza de Castro and BF David Rainey sing an original duet for frontliners