Celebrity Life

Angelica Panganiban, ibinahagi ang natutunan sa paghihintay sa kanyang baby

By Maine Aquino

Ikinuwento ni Angelica Panganiban sa vlog ni Meryll Soriano na isang taon silang sumubok na magkaanak ng kanyang partner na si Gregg Homan.

Ayon kay Angelica, close friends lamang nila ni Gregg ang nakakaalam ng kanilang plano. Bukod sa pagtatanong sa mga kaibigan ay nagpatingin din sila sa mga doktor para matulungan silang magka-baby.

"May mga doctors kami na kinakausap, may mga pinainom na vitamins. Pagdating ng September 2021, last year, medyo napanghinaan na ako ng loob," pag-amin ng aktres.

Saad pa ng aktres, nagbago siya ng lifestyle ngunit hindi pa rin sila nagkakaroon ng anak ni Gregg. "Kung ano ang lifestyle mo noon tinalikuran mo. Wala kang bisyo, wala kang alak, wala kang puyat. Parang walang nangyayari so sige sabi ko i-relax ko na lang."

Nagdesisyon si Angelica na mag-relax muna dahil birthday niya ng November at susundan naman ito ng holiday season. Hanggang sa nalaman niya bago siya mag-lock-in taping sana na siya ay buntis na.

Kuwento ni Angelica, matagal na niyang pinapangarap magkaroon ng sariling pamilya.

"Magmula siguro noong mga 25 years old ako, hanggang nalaman kong adopted ako, tumatak na 'yun sa isip ko na parang sana ang ibalik naman sa akin ni God. Isang araw magkaroon rin ako ng pamilya."

Dugtong pa ng aktres ang sakit na nararamdaman niya tuwing dadaan siya sa hiwalayan. Pag-amin ni Angelica, "Every time na nagmamahal ako, nagkakaroon ako ng mga jowa, iniisip ko na 'yun na parang ito kaya 'yung makakasama ko? Magkakaroon ako ng pamilya sa taong 'to? And then hindi. So kasama 'yun, kasama lagi yun sa sakit na nararamdaman ko."

Ipinaliwanag ni Angelica sa vlog ni Meryll na gusto niya rin magpa-freeze ng eggs.

"Ang tagal kong naging single. So dumating na ako sa point ng magpapa-freeze ng eggs, ganyan. Ang dami na ring mga options na sinubukan dahil parang trinopa ko doon si God e sa moment na 'yun. Na hindi God, 'di ba ibibigay mo 'to sa akin. Alam ko ibibigay mo 'to sa akin."

Saad ni Angelica, na-realize niya na natupad ang kanyang dasal na magkaanak sa tamang oras at sa tamang tao.

"Pinakamaganda sigurong nagawa ko is 'yung kumalma ako. Noong hindi ko kinulit yung universe, 'yung hindi ko kinulit si God. Hinayaan ko siya na ibigay niya kasama ang tamang tao, kasama ang tamang pagkakataon."

Dugtong pa niya na bawat tao ay makukuha ang blessing sa tamang oras.

Aniya, “Naniniwala ako na kanyang-kanyang panahon yan. Kanya-kanyang timing sa pagbibigay ng magandang blessing sa atin.”

Panoorin ang kuwentuhan nina Angelica at Meryll dito: