Celebrity Life

Kim Perez, thankful sa sunod-sunod na proyekto bilang Kapuso

By Aimee Anoc

Hindi pa rin makapaniwala si Sparkle actor Kim Perez sa sunod-sunod na proyekto at guestings na dumarating sa kanya ngayon.

Simula nang maipakilala bilang isa sa aspiring young stars ng Sparkada noong April 2022, napanood ang aktor sa iba't ibang shows ng GMA tulad ng Magpakailanman, Wish Ko Lang, at Regal Studio Presents: My Family, My Home at guestings sa TikToClock, The Boobay and Tekla Show, iBilib, All-Out Sundays, at Family Feud.

Noong Nobyembre, kabilang si Kim sa bagong Kapuso stars na opisyal na pumirma ng kontrata sa Sparkle GMA Artist Center sa naganap na contract signing event nito, ang "Signed For Stardom."

"Nao-overwhelm ako sa mga nangyayari sa akin kasi parang ang bilis-bilis. Sobra akong thankful especially kay Lord sa mga nangyayari sa buhay ko. Lalo na nga ngayon nakikita kong may progress 'yung career ko," sabi ni Kim sa interview ng GMANetwork.com.

Dagdag niya, "Grateful ako especially sa Sparkle GMA Artist Center na nabigyan ako ng chance na mapasama sa Signed For Stardom."

Sa ngayon, excited si Kim para sa kauna-unahan niyang serye sa GMA, ang Hearts on Ice, kung saan makakasama niya ang lead stars na sina Ashley Ortega at Xian Lim.

"Sana mas mapansin nila ako sa acting ko, especially sa upcoming series ko na 'Hearts on Ice.' Sana ito na 'yung pinaka-break ko rito sa career ko," sabi niya.

Samantala, bukod sa acting ay sumalang na rin ang aktor sa pagho-host. Patuloy na napapanood si Kim bilang isa sa Cash Hour hosts ng "Bida On The Spot" segment ng Unang Hirit.

"Isa ako sa remote host ngayon. Unit-unti ko nang nade-develop doon 'yung hosting ko pero hindi pa talaga ako ganoon kagaling. Masasabi ko na sobrang nag-e-enjoy ako talaga kasi very interactive 'yung ginagawa mo and funny."

IN PHOTOS: STARS OF THE FIRST FILIPINO FIGURE SKATING SERIES 'HEARTS ON
ICE'