
Sa latest episode ng GMA inspirational-medical drama series na Abot-Kamay Na Pangarap, napanood kung paano suyuin ni Doc RJ Tanyag (Richard Yap) ang kaniyang anak na si Dra. Analyn Santos (Jillian Ward).
Kasunod ng pagtatapat ni Doc RJ sa batang doktor, tila hindi pa rin matanggap ni Dra. Analyn na ang medical director sa ospital na kaniyang pinagtatrabahuhan ang kaniyang tunay na ama.
Bukod sa ayaw maniwala ni Dra. Analyn, kapansin-pansin na malaki rin ang galit niya kay Doc RJ.
Isa sa ikinagagalit niya ay ang matagal na pagtatago nito sa kaniya tungkol sa tunay niyang pagkatao.
Ayon kay Dra. Analyn, ilang beses siyang nangulila at nagkuwento tungkol sa kaniyang ama pero bakit patuloy pa ring itinago sa kaniya ni Doc RJ na siya ang tunay nitong ama.
Ilang beses na umiyak si Dra. Analyn kapag naaalala niya ang kaniyang ama ngunit hindi man lang natinag si Doc RJ.
Naisip pa ng genius doctor na baka dahil mataas na ang posisyon ni Doc RJ sa APEX Medical Hospital kaya pinili nitong itago na mayroon siyang anak sa labas.
Emosyonal na sinabi ni Dra. Analyn kay Doc RJ, “Ilang beses akong umiyak kasi sabik na sabik ako na magkaroon ng tatay pero hindi ka man lang naawa sa akin para aminin sa akin 'yung totoo. Bakit? Kasi mataas 'yung posisyon mo kaya nahihiya ka na malaman nang lahat dito na may anak ka sa labas? Kinakahiya mo ko.”
Sagot naman ni Doc RJ, “Hindi anak.”
Matapang namang nagsalita ulit si Dra. Analyn, “Puwede ba, 'wag mo nga akong tawaging anak. Hindi ikaw ang tatay ko at ayokong ikaw ang tatay ko.”
Matapos itong marinig mula kay Dra. Analyn, humingi siya ng tawad sa kaniyang anak.
Kamakailan lang, matapang na sinabi ni Doc RJ sa kaniyang asawa na si Moira (Pinky Amador), na sisimulan na niyang ipaglaban ang kaniyang anak kay Lyneth (Carmina Villarroel) na si Dra. Analyn.
Samantala, panoorin ang eksenang ito:
Abangan pa ang mga susunod na matitinding eksena sa serye!
Subaybayan ang Abot-Kamay Na Pangarap, mapapanood tuwing Lunes hanggang Sabado, 2:30 p.m., sa GMA Afternoon Prime.
Mapapanood din ang programa via Kapuso livestream.
Maaaring balikan ang iba pang episodes ng serye rito.
SAMANTALA, SILIPIN ANG MOST MEMORABLE FATHER-DAUGHTER MOMENTS NINA DOC RJ TANYAG AT ANALYN SANTOS SA GALLERY SA IBABA: