
Napakinggan ng Kapuso viewers ang madamdaming kuwento ng Kapuso Comedy Concert Queen na si Aiai Delas Alas sa huling episode ng unang season ng My Mother, My Story noong Linggo (October 27).
Puno ng heartfelt revelations ang istorya ng komedyante tungkol sa kanyang dalawang ina--ang kanyang biological mother na si Gloria Hernandez at ang kanyang adoptive mother na si Justa delas Alas.
Sa kaniyang panayam kasama si Boy Abunda, isa sa mga ibinunyag ni Aiai ay ang pagiging istrikto ni Justa. Kuwento niya, sa sobrang tapang at pagiging istrikto nito kapag nagalit, siya ay napapalo ng ilang beses sa bahay. May pagkakataon na siya ay nasuntok sa ulo dahil akala nito ay nagsinungaling at tumakas si Aiai sa eskwelahan.
Inamin ni Aiai na hindi niya maiwasang magalit sa kanyang adoptive mother. Ngunit nilinaw niya na may mga pagkakataon na humingi naman ito ng tawad sa kanya, sa ibang paraan katulad ng pagbibigay ng regalo.
Tanggap rin naman niya na siya'y ampon ni Justa ngunit hindi pa rin niya maiwasang masaktan sa tuwing nagbibitaw ito ng masasakit na salita.
"Parang tanggap ko naman kaya lang hindi ko matanggap 'pag 'yung pinapagalitan niya ako at saka iyon nga 'yung pinapalo niya ako, 'pag sinasaktan niya ako. Parating sa back ng mind ko, 'Siguro kung nasa nanay ko ako, hindi ako papaluin,'" kuwento niya.
Makalipas ng ilang taon, naging ina na rin si Aiai. Inamin niya na minsan nadadala niya ang nakikita niyang ugali ni Justa sa pagbibitaw ng masasakit na salita tuwing galit siya.
"Parang galit ako noon, noong high blood ako, parang hindi ko masyadong ina-ano 'yung words ko. Hindi ko nashu-sugar coat," sabi niya.
Nilinaw niya na palagi siyang humihingi ng tawad at pinapaliwanag kung bakit niya sinabi ang mga masasakit na salita sa kanyang mga anak. Sinisiguro rin niya na maging open sila sa pag-uusap tungkol sa iba't ibang bagay, kabilang ang love life.
Aniya, "Ano open kami. Kung ano ang masakit, sabihin n'yo. Kung ano problema, sabihin n'yo. Kasi kay Justa, hindi ako nagsasalita kasi nga takot ako sa kaniya, 'di ba? At saka ayaw niya ng lalaki, bawal ako ligawan. Paano ako makikipag-communicate sa kanya na, 'Ano, 'nay, parang crush ko si ganito.' Wala, walang ganoon."
Nakuha rin niya daw ang love language ng kanyang adoptive mother na gift giving. "May pagka-strict pero ang love language ko rin is money, gift. Kunwari, palagi ako nasa taping, magmo-mall kami. Tapos ano ang gusto nila, bibilhin ko," pahayag niya.
Balikan ang madamdaming istorya ni Aiai Delas Alas, dito:
Samantala, maaring balikan ang mga iba pang madamdaming episode ng My Mother, My Story, sa GMA Network website at social media pages.