
Masayang bumisita ang tinaguriang Comedy Concert Queen na si Aiai Delas Alas sa Fast Talk with Boy Abunda, kung saan game na game niyang sinagot ang mga isyu na ipinukol sa kanya.
Isa sa mga isyung binigyang linaw ni Aiai sa panayam niya sa kanyang kaibigan at batikang host na si Boy Abunda ay ang pagkakadeklara sa kanya bilang “persona non grata” sa Quezon City, nooong June 2022.
Matatandaanng pinatawan si Aiai at ang film director na si Darryl Yap ng nasabing parusa dahil sa umano'y offensive treatment sa isang content na kanilang ginawa, kung saan ginaya ng aktres ang si Quezon City Mayor Joy Belmonte. Makikita rin sa nasabing video ang official logo ng siyudad.
“Bilang 'persona non grata,' una sa lahat hindi ko talaga alam ang meaning no'n. Nalaman ko na lang noong, 'A, dinekleyr pala akis,'” pabirong sinabi ni Aiai kay Boy.
Ayon sa comedian-actress, ginawa niya lamang ang nasabing content bilang trabaho niya bilang artista. Sa katunayan, may mga pinabago pa siya sa script dahil alam niyang may masasaktan siyang damdamin sa kanyang mga bibitawang linya.
Kuwento ni Aiai, “Sa totoo lang, hindi ko akalain na ganun pala 'yun kasi ginawa ko po 'yun bilang artista po. Sila naman ang gumawa ng script noon, si direk, 'tapos ako 'yung artista. So, sabi ko sa sarili ko, talagang 'yung iba doon pina-edit ko kasi ang alam ko baka ma-offend si Mayor [Belmonte].”
Dagdag pa niya, “May script ako, nagpa-edit ako kasi alam kong doon sa ibang sasabihin ko baka ma-offend si Mayora, so pina-edit ko siya. “
Matapos magpaliwanag ay humingi naman ng dispensa si Aiai kay Mayor Belmonte dahil sa kinalabasan ng content.
Mensahe ni Aiai, “But since 'yun na nga parang na-offend siya, 'Pasensya na Mayora na ako pala ay nakasakit sa'yo pero artista lang ako, kaya ginawa ko 'yun kasi inutos lang sa akin.'”
Pero natatawang kuwento pa ni Aiai, hindi niya matanggap na mas mabilis na nagkasundo ang direktor niya na si Darryl at si Mayor Joy matapos ang nangyari.
Aniya, “Tapos biglang bati na sila ni Direk, tapos kami di kami bati. Para akong naiwan sa ere, 'Bakit kayo bati? Ako yung hindi nila kabati, bakit ganoon?'”
Paglilinaw naman ni Aiai, hindi niya intensyon na makasakit ng damdamin ng iba sa ginawa nilang content.
“Ayoko naman po talagang nakakasakit. Hindi ko naman po alam na mahu-hurt siya doon,” saad niya.
Samantala, mapapanood naman si Aiai bilang judge sa season 5 ng reality singing competition ng GMA na The Clash.
Para naman sa iba pang maiinit na showbiz balita, tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda, Lunes hanggang Biyernes, 4:50 p.m. sa loob ng 20 minuto sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.
BALIKAN ANG NOTABLE MOTHER ROLES NI AIAI DELAS ALAS SA GALLERY NA ITO: