
Hindi biro ang auditions na pinagdaanan ng cast ng pinakabagong youth-oriented drama series ng GMA Public Affairs na MAKA, kung saan dalawang beses na nagkaroon ng call back.
Pagbibidahan ang MAKA ng Sparkle stars na sina Zephanie, Marco Masa, Ashley Sarmiento, Dylan Menor, John Clifford, at Olive May. Makakasama rin nila sa teen drama ang seasoned actor na si Romnick Sarmenta.
Kuwento ni Dylan kay Lhar Santiago ng 24 Oras sa naganap na story conference ng MAKA noong Martes (August 6), masaya siya at nagpapasalamat na mapabilang sa cast ng MAKA at makatrabaho ang kapwa niya Sparkle artists.
Ipinarating din ni Olive May ang naging reaksyon nang makuha bilang isa sa lead cast ng MAKA. Aniya, "Sobrang saya po at nung mabasa ko 'yung message, 'seryoso ba 'to!'"
Excited naman si Zephanie para sa bagong pagbibidahang teen drama at aminadong nakararamdam ng pressure.
"Nandoon po 'yung gusto naming maibigay 'yung 100 percent namin. We're very excited and we're so grateful po," sabi ni Zephanie.
Dagdag naman ni Marco, "Good pressure naman ito kasi parang mas invested na rin ako sa character ko. Mas excited na ako for what may happen sa set. I'm really excited kasi parang ito rin 'yung way to communicate with the Gen Z ngayon."
Hindi na rin makapaghintay si Ashley Sarmiento na maibahagi sa show ang talent sa pagkanta at pagsasayaw.
Ayon naman kay John Clifford, isa ang MAKA sa dream project niya. Kuwento ng aktor, "Ito 'yung one of the shows na talagang dream ko talaga na I want to be in a teen musical drama."
Tampok sa MAKA ang kuwento ng anim na high school students na sina Zeph (Zephanie), Marco (Marco Masa), Ash (Ashley Sarmiento), Dylan (Dylan Menor), JC (John Clifford), at Livvy (Olive May) na naka-enroll sa Arts & Performance (A&P) section ng public school na Douglas Mac Arthur High School for the Arts.
Ang title ng show na MAKA ay hango sa fictional school ng serye na Douglas Mac Arthur High School for the Arts.
Abangan ang bagong Saturday teen drama na MAKA, ngayong September sa GMA.