
Sa kabila ng pagiging mabagsik na kontrabida ng karakter ni Dennis Trillo sa Pulang Araw, may katangian pa rin daw ito na nagustuhan niya.
Sa isang exclusive media conference kamakailan ng Pulang Araw para kay Dennis, tinanong ng GMANetwork.com ang aktor tungkol sa magiging karakter niya sa serye.
Bibigyang buhay ni Dennis sa Pulang Araw si Col. Yuta Saitoh na malupit na pinuno ng Japanese Imperial Army na may layong sakupin ang Pilipinas noong 1940s.
Ang karakter ni Dennis bilang si Col. Yuta ang isa sa magpapahirap sa mga buhay ng magkakababatang sina Adelina (Barbie Forteza), Teresita (Sanya Lopez), Hiroshi (David Licauco), at Eduardo (Alden Richards).
Sa panayam kay Dennis, inamin ng aktor na talagang ubod ng sama ng kaniyang role sa serye pero may isang katangian daw ito na gustong-gusto niya.
Aniya, “'Yung pagiging persuasive niya. In a way maganda rin 'yung may konting ganun ka sa pagkatao mo para meron kang driving force na gagawin mo lahat para makamtan 'yung gusto mo talagang mangyari, 'yung gusto mong makuha, 'yung makamit.
“Importante na magkaroon ang bawat tao ng gano'n para hindi sila mabo-bore sa buhay nila lagi silang merong adventure na kailangan i-seek.”
Paglalahad ni Dennis, proud siya sa kaniyang first major kontrabida role at Japanese descent pa.
“Mahirap gumanap ng isang character na iba ang lahi, na iba ang pananalita niya…
“Proud ako kapag natatapos ko agad lahat ng eksena ko like kahapon ang dami kong Japanese. After every taping ang sarap lang ng pakiramdam na natapos ko lahat ng 'yun. Every taping na natapos namin na nagagawa ko ng maayos nagiging proud ako talaga,” ani Dennis.
Papasok ang karakter ni Dennis Trillo sa Pulang Araw simula sa August 21.
Subaybayan ang Pulang Araw, Lunes hanggang Biyernes 8:00 p.m. pagkatapos ng 24 Oras sa GMA Prime.
RELATED GALLERY: Dennis Trillo, ipinakilala na bilang malupit na kalaban sa hit GMA series na 'Pulang Araw'