
Emosyonal na inamin ng beteranang aktres na si Gina Pareño na isa siyang miyembro ng LGBTQIA+ community sa vlog ng entertainment columnist at talent manager na si Ogie Diaz.
Sa vlog na na-upload sa YouTube noong Martes, July 18, binuksan ni Ogie ang usapan tungkol sa espesyal na tao sa buhay ni Gina. Dito, ibinahagi ng beteranang aktres ang kuwento nila ng namayapang aktres noong dekada singkwenta na si Nenita Vidal o "Doktora Bong" kung kanyang tawagin.
Source: Ogie Diaz (YouTube)
Sa nasabing vlog, nabanggit ni Ogie na minsan niyang nakita sa taping noon si Gina at dala nito ang urn ni Doktora Bong.
"Nasa kuwarto ko pa rin 'yung urn niya," dugtong ni Gina sa kuwento ni Ogie.
Agad naman na nagtanong si Ogie, "So, bakit parang dati ayaw mo siyang i-let go?"
Sagot ng aktres, "Hindi naman sa ayaw kong i-let go kaya lang, ang dami kong utang na loob doon. At saka mabait sa akin, tinuturuan ako, ine-educate niya ako."
Napapanood daw noon ni Nenita o Dra. Bong si Gina at pinupuri nito ang kanyang pag-arte hanggang sa maging malapit sila sa isa't isa.
"Tinuruan niya ako kung paano kumilos, lahat. Tapos 'yun nga, binigay niya sa akin 'yung naiwan niyang bahay. At saka alam kong mahal na mahal ako nun," naluluhang sinabi ni Gina.
Source: Ogie Diaz (YouTube)
Ayon pa kay Gina, malaki ang naging bahagi ni Nenita sa pagbabago ng kanyang buhay.
"Una, in-educate niya ako pati 'yung sa mga drugs, drugs, pati 'yung mga pagkilos ko, ang daming bagay," sabi Gina.
Sa pagpapatuloy ng kanilang kuwentuhan, diretsahang tinanong ni Ogie ang beteranang aktres ng, "Kaya mo bang aminin na miyembro ka ng LGBTQ?"
"Oo," mabilis namang sagot ni Gina.
Biro pa niya, "Bakit, may problema?"
Komportable ring sinabi ng aktres na,"At saka nagmamahal ako nang tapat."
Matapang din na sinabi ni Gina na kaya niyang ibalik ang lahat ng naiwan ni Nenita kung magkakaroon ng pagkakataon na muli itong mabuhay.
Aniya, "Kung bubuhayin siya ngayon? ibabalik ko lahat ng naiwan niya."
Ngayon ay sarado na raw ang puso ni Gina para sa panibagong pag-ibig.
"Ay wala na pack up na ako diyan," birong sagot ng beteranang aktres.
Ibinahagi naman ni Gina ang ilan sa mga natutuhan niya sa tagal na panahon niya bilang isang artista.
Aniya, "Dapat nasa puso mo, mahalin mo 'yung mga taong itinataguyod ka, nagmamahal sa'yo."
Bukod dito, humihiling din ng aktres na muli sana siyang bigyan ng mga proyekto upang siya ay makabalik na sa pag-arte.
Kamakailan ay napanood si Gina sa bagong action series ng GMA na Lolong na pinagbibidahan ng Kapuso actor na si Ruru Madrid.
SAMANTALA, KILALANIN ANG IBA PANG CELEBRITIES NA PROUD MEMBER NG LGBTQIA+ COMMUNITY SA GALLERY NA ITO: