
Ano ang nararapat na gawin kapag may pumasok na linta sa mata?
Ibinahagi ng mountaineer na si Michelle Gabane ang karanasan niya nang mapasukan ng linta sa mata habang inaakyat ang bundok Makiling sa Laguna.
Aniya, ang buhay na linta o limatik ay pumasok sa mata niya dahil sa malakas na hangin sa itaas ng bundok.
“Natatakot ako nu'n kasi baka mamaya may ngipin siya, tusukin niya 'yung mata ko. Mahapdi siya, makirot, Makati. Disturbing na siya sa mata ko, e,” ani Michelle.
Gamit ang tiyani, tinangkang sungkitin ang limatik sa mata ni Michelle ng kasama niyang mountaineer.
Ngunit pilit pa raw itong nagsumiksik sa kanyang mata.
“'Yung first attempt mga five minutes, dinidilat niyang ganyan. Tinatra-try niyang bunutin pero sabi niya 'wag na muna kasi makapit. Gumagalaw pa siya sa loob ng mata ko,”
Limang oras ang ginugugol bago tuluyang matanggal ang limatik sa mata ni Michelle.
At laking gulat na lamang ng grupo niya nang makitang mahaba pala ang linta.
Para namang nabunutan siya ng tinik nang malamang walang ngipin ang linta.
Aniya, naghilamos siya ng maligamgam na tubig para malinis ang kanyang mukha gayundin ang kanyang mata.
Ayon sa eksperto, marami raw talagang limatik sa kagubatan lalo na kung malapit na o panahon na ng tag-ulan.
At hindi ligtas na sapilitang sungkutin ang limatik gamit ang tiyani o kahit pa hibla ng buhok.
Mainam umanong first aid dito ay salt solution o tubig na may asin na ipapatak sa mata para kusang lumabas ang limatik.
“Half teaspoon sa one cup ng water. 'Wag 'yung mga coarse na salt. Hindi 'yun matutunaw agad. Very effective 'yon para matanggal siya,”
“Hindi naman siya papasok talaga sa pinaka loob. Konti lang naman 'yung kayang sipsipin ng limatik sa mata natin.
“Technically, hindi naman siya 'yung nakakabulag.
"Siguro ang worst lang na mangyari kapag hindi agad natanggal, ma-irritate 'yung mata,” pahayag ni Dr. Sharlene Noguera, isang ophthalmologist.
Ayon naman sa kay entomologist at professor Dr. Ireneo Lit Jr., dapat na linisin ang sugat na dulot ng mga linta.
“Pagkatanggal nu'ng limatik tumutulo 'yung dugo, tubig at sabon ang laging pinapayo ng mga doktor na first aid sa mga sugat. Kung wala, pwede naman ang alcohol,” aniya.
KMJS: Dugo ng cobra, lunas daw sa iba't ibang sakit?
KMJS: Pagpapaturok ng gluta, healthy o deadly?