Showbiz News

Kapuso stars, doble ingat dahil sa paglobo ng COVID-19 cases sa bansa

By Dianara Alegre

Dahil balik modified enhanced community quarantine (MECQ) ang Metro Manila, na dulot ng patuloy na paglobo ng kaso ng COVID-19 sa bansa, mas lalong pinaigting ng publiko ang kanilang pag-iingat upang hindi mahawa at makatulong sa pagpigil ng pagkalat ng sakit.

Sa panayam ng 24 Oras, ibinahagi ng ilang Kapuso celebrities na mariin pa rin nilang sinusunod ang health protocols.

Ayon kay Mars Pa More host Camille Prats, hangga't maaari ay hindi sila lumalabas ng bahay at wala rin silang gaanong contact sa ibang tao.

“Wala kaming masyadong contact with other people.

"As soon as you step out of the house dapat naka-mask ka tapos social distancing.

"Lagi kami nagdi-disinfect. Sa labas pa lang ng bahay namin may disinfect na.

“For deliveries naman, naglagay din kami ng doorbell sa labas ng garage, so they don't have to walk inside.

"I'll also make sure that it's cashless deliveries. Iiwan ko na 'yung payment sa labas. Naka-tray 'yun,” aniya.

Source: camilleprats (IG)

Ibinahagi naman ng Magkaagaw aktor na si Jeric Gonzales, na kapwa senior citizen na ang mga magulang, limitado lamang umano ang galaw umano sa tuwing lalabas ng bahay.

“Most of the time, online. 'Tapos 'pag nag-grocery sobrang quick lang and talagang kailangan madami na.

"Ligo kaagad 'tapos 'yung mga tsinelas, sapatos na ginamit iwan muna labas and then i-disinfect. Lahat ng damit sa laundry kaagad,” sabi ni Jeric.

Source: jericgonzales07 (IG)

Samantala, hindi na raw umano tumatanggap ng bisita si StarStruck Season 7 finalist Lexi Gonzales sa tinutuluyan niyang condo sa Manila bilang pag-iingat.

Dagdag pa niya, sang-ayon siya sa pagbabalik ng Metro Manila sa MECQ.

“Kailangan natin magtiis. Also, to help them somehow. I think naman in the span of two weeks it will help na mababa ng konti 'yung cases,” lahad niya.

Hinikayat naman ni Eat Bulaga host Pia ang publiko na patuloy na manalig at huwag mawalan ng pag-asa na matatapos din ang krisis at babalik din sa normal ang pamumuhay ng lahat.

“'Wag bumitaw kay God kasi talagang if you seek God first, everything else will follow.

"'Wag kayo mag-alala, mga Kapuso. God hears your prayer and He will give everything that you need because He has promised that He will not leave us nor forsake us,” aniya.

Source: piaguanio_mago (IG)

Muling ibinalik ang MECQ sa Metro Manila noong August 4 at inaasahang magtatapos sa August 18.