Showbiz News

Lovely Abella, sumailalim sa 2-week isolation nang magpositibo sa COVID-19 rapid test

By Aedrianne Acar

Hindi lamang ang seasoned comedian na si Michael V. ang dumaan sa matinding hamon ng COVID-19, kundi pati ang dancer-actress na si Lovely Abella.

Pinili ng Bubble Gang comedienne na huwag munang isapubliko ang kanyang kalagayan nang malaman niyang asymptomatic siya..

Ang mga taong asymptomatic ay walang pinapakitang sintomas ng COVID-19, ngunit itinuturing na “carrier” dahil maari pa rin silang makahawa.

Matapang na ikinuwento ni Lovely ang nangyari sa kanya sa ginanap na video conference ng Bubble Gang ngayong Lunes ng hapon, August 17, para i-promote ang kanilang new episode sa Friday night.

Nalaman ni Lovely na nag-positive siya matapos ipa-test nila ang kanilang kasambahay na nagpakita ng ilang sintomas sa coronavirus.

“Sa rapid test po medyo may two lines po na ibigsabihin before nagkaroon na po ako ng virus, pero ngayon wala na akong virus sa katawan ko.

“Pero po dahil po 'yung kasambahay po namin nagkaroon po siya ng symptoms, which is nawalan po siya ng pang-amoy at panlasa sa pagkain, in-isolate po agad namin siya. Then, kinabukasan po, pina-swab test ko po siya, which is kasama kami ni Benj [Manalo], para lang po makampante ako.

“Ako po 'yung nag-positive po, sila po negative.”

Screenshot taken from Lovely Abella's Instagram account

Sa panayam ng GMA Showbiz reporter Aubrey Carampel, kinumusta niya ang lagay ng Kapuso actress at tinanong ang karanasan niya sa panahon ng isolation.

Sabi niya, “Tapos na po ako, bago po mag-birthday 'yung daughter ko, okay na po ako.”

“Pero mini-make sure ko po na kahit bumaba po ako ng room naka-mask po ako. 'Tapos may sarili po akong alcohol na lagi ko pong bitbit, para po lahat ng nahahawakan ko po ay naii-isprayan ko po.”

Dagdag niya, “Kaya po 'yung mga spoon and fork ko po, separate po, sa kanila may goma 'yung akin, iba 'yung plato ko, iba 'yung baso ko.

"Iba po lahat nang gamit ko sa kanila para lang po sure lang po talaga kami, kahit sa sabihin natin okay na po ako.”

Bagama't hindi na pinayuhan ng doktor niya na magpa-swab test matapos ang 14-day isolation niya at wala na siyang sintomas, plano pa rin ng Kapuso comedienne na ipa-test ang kanyang pamilya para sa kapanatagan niya.

“Actually, ang sabi naman po ng doktor sa akin na after the isolation po ng 14 days na pag okay ka na daw po, e, no need na raw po magpa-swab test ulit.

“Pero hanggang ngayon po na hindi pa rin po ako kampante, siguro po na-trauma po talaga ako.

“As in dumarating sa punto na hindi ako nakakatulog. 'Tapos po iba po 'yung nangyari sa akin in the past few days, kaya ngayon maingat ako.” ani ni Lovely, na dating nakilala bilang dancer ni Kuya Willie Revillame.

“Soon siguro po, hindi naman po advisable super ng doktor, pero soon po para mas makampante lang po ako at para sa pamilya ko magpapa-swab test po kami para sure lang.

“Kahit po na sabihan po natin na okay na po ako, pero kasi dahil wala akong swab test baka kasi until now asymptomatic-positive pa rin po ako, kasi po ang asymptomatic-positive kami po usually 'yung carrier na hindi po namamalayan namin nakakahawa , kaya hindi rin po ako basta-basta kumakausap sa mga taong pumupunta rito sa bahay like sa labas man lang,”

Samantala, nabanggit naman ni Lovely sa entertainment writer na si Gorgy Rula na dahil sa trauma niya nang mag-positobo sa COVID-19, hindi siya lumalabas at tumatanggap ng trabaho.

Nag-focus ang aktres sa online business niya na Lovely Cosmetics para kahit paano ay kumikita siya sa gitna ng pandemic.

Kuwento niya, “May mga inquiry din po ako ngayon ng tapings sa labas na may mga swab [test] naman daw, pero sa totoo lang po naging traumatic po 'yung experience ko.

“Kaya po wala talaga akong labas sa bahay as in simula po nung nangyari po sa akin, hindi na talaga ako lumalabas ng bahay.

“Parang ngayon po, naa-adapt ko na siya slowly, pero alam ko masasabi ko na adapt ko na and medyo nakalampas na ako sa ganun situation dahil kahit papaano 'yung nga po mayroon akong online selling.

"Nakapagpatayo po ako ng Lovely Cosmetics, na parang kahit paano po, e, kumikita. Kumbaga po, nabubuhay po kami, nabubuhay ko po 'yung pamilya ko, nakakapagpadala pa rin po ako sa parents ko.”

New episodes ng 'Bubble Gang,' maghahatid ng inspirasyon

EXCLUSIVE: Betong Sumaya, naiyak nang malaman na tinamaan ng COVID-19 si Michael V

Fresh na fresh ang August sa GMA!