
Muling nagpakilig ang young Kapuso heartthrob at musician na si Heath Jornales sa kaniyang eksklusibong panayam sa GMA afternoon talk show na Fast Talk with Boy Abunda, nang sagutin niya ang tanong tungkol sa kanilang samahan ni Caprice Cayetano.
Sa naturang episode noong Lunes, August 24, kasamang sumalang ni Heath sa episode ang ama niyang si Michael Roy Jornales. Dito, inalam ni King of Talk Boy Abunda kung gaano na niya nami-miss ang katambal sa love team na 'CapEath' na si Caprice.
Ayon kay Boy, ang tanong na ito ay nagmula raw sa pahayag ng young Kapuso actor noong fan meet ng seryeng You're My Favorite Song, kung saan ibinahagi nito na hindi na raw siya sanay na hindi makita ang aktres.
Buong puso namang sinagot ni Heath ang tanong at sinabing, “Ako po, miss na miss ko rin po si Caprice dahil sobrang tagal po naming magkasama sa set, ilang months din po, and ayun, nami-miss ko po lahat sa set. Like 'yung bonding namin, like nagja-jamming kami sa tent, ta's kumakain-kain po kami.”
Nabanggit din ni Heath na ang pagsasama nila ni Caprice sa isang proyekto ay mailalarawan niya bilang isang “amazing” na karanasan.
“Talagang mami-miss ko po talaga siya dahil we had so much good times together and it was really an amazing experience, shooting with Caprice and everyone as well,” ani Heath.
Matapos tanungin kung sila ba ay nagkikita o nag-uusap pa matapos ang kanilang serye, ibinahagi ng young actor na may mga panahong nagkakasama sila ni Caprice sa mga panahong hindi sila busy.
“Minsan-minsan po, nagpa-plan po kaming lahat na mag-hang out tapos minsan kasama po ako sa mga hang outs nila Caprice, minsan wala dahil busy. Pero kung kailan may free time, we try to reconnect,” kuwento niya.
Ibinahagi rin ni Heath ang naging magandang takbo ng pagkakaibigan nila ni Caprice mula sa kanilang matagumpay na stint sa PBB Celebrity Collab Edition 2.0 hanggang sa kauna-unahan nilang pagsasama sa isang proyekto sa telebisyon, ang seryeng You're My Favorite Song.
“Well, simula PBB pa po hanggang ngayon, 'yung friendship po namin mas tumibay po ang mas naging close po kami ni Caprice. Naging mas chill po 'yung mga hangouts namin. Overall, mas naging close po kami,” pahayag ng aktor.
Matapos ang kanilang matagumpay na tambalan bilang sina Miguel at Angel, na mas kilala ng fans bilang “AnGuel” sa GMA Afternoon Prime series na You're My Favorite Song, kanya-kanya muna ng proyekto ang dalawa.
Sa kasalukuyan, abala si Heath sa paghahanda para sa kaniyang nalalapit na solo concert na Heath's Time sa New Frontier Theater sa September 5, habang nakatutok naman si Caprice sa kaniyang bagong serye na A Million Dreams.
Related Gallery: Caprice Cayetano, Heath Jornales, and the rise of 'CapEath'