
Isa ang Sparkle star na si Jillian Ward sa mga aktres na nagsimula sa showbiz sa murang edad.
Unang napanood si Jillian sa telebisyon sa pamamagitan ng isang commercial.
Kasunod nito, nagsimula siyang makilala bilang child star sa remake ng 1983 film na Trudis Liit na ipinalabas sa GMA noong 2010.
Bago ang kaniyang nalalapit na 18th birthday, ibinahagi ng aktres kung ano-ano ang ilan sa mga natutuhan niya sa mundo ng show business sa loob ng halos 13 taon.
Isa sa kaniyang ikinuwento ay may isang tanong daw siyang madalas itanong sa veteran actors na kaniyang nakakatrabaho.
Pagbabahagi niya, “Kapag nagtatanong po ako sa veteran stars, itinatanong ko po palagi, kung ano pong secret nila at tumatagal po sila sa showbiz. 'Yun po kasi 'yung parang pinakahinihingi ko pong advice kasi sobrang mahal ko po 'yung industry, gusto ko pong tumagal pa po rito. Ang lagi po nilang sinasabi is, be true to myself, stay humble, at gawin ko ito kasi mahal ko… Not for anything else, hindi po dahil sisikat ka or ano pong makukuha mong power. Ang importante gawin mo siya kasi mahal mo.”
Kasunod nito, binanggit ni Jillian na mas napamahal siya sa showbiz industry dahil sa Abot-Kamay Na Pangarap, ang GMA hit series na pinagbibidahan nila ni Carmina Villarroel.
Ayon sa aktres, “Ako po, sobrang napamahal po ako sa industry po lalo ngayon, lalo sa 'Abot-Kamay Na Pangarap.'”
Dagdag pa niya, “Sa mga nakakasama ko po sa set, may natututuhan po talaga ako lalo po sa direktor namin. So, do it because you love it, hindi lang dahil sisikat ka.”
Ilang araw na lang at magaganap na ang engrandeng debut ng former Trudis Liit star.
Sa isang panayam, ibinahagi ni Jillian na mahigit 700 guests ang inaasahan niyang dadalo sa kaniyang special day.
Bukod dito, binanggit niya na ang regalo at reward niya sa kaniyang sarili sa kaniyang 18th birthday ay ang mismong debut niya.
Samantala, kasalukuyang napapanood si Jillian bilang si Dra. Analyn Santos sa Abot-Kamay Na Pangarap.
Mapapanood ang seryeng kaniyang pinagbibidahan tuwing Lunes hanggang Sabado, 2:30 p.m., sa GMA Afternoon Prime.
Mapapanood din ang programa via Kapuso Stream.
Maaaring balikan ang iba pang episodes ng serye rito:
SILIPIN ANG PRE-DEBUT PHOTOS NI JILLIAN WARD SA GALLERY SA IBABA: