
Matapos ang tagumpay ng kaniyang pinagbidahang mythical series na Mga Lihim ni Urduja, mapapanood naman ngayon ang aktres na si Sanya Lopez sa digital series ng GMA Public Affairs na In My Dreams kasama ang tinaguriang this generation's Most Promising Loveteam na sina Sofia Pablo at Allen Ansay.
Ang nasabing serye ay may temang romance-magic realism na tungkol sa lucid dreaming. Kaugnay nito, tinanong ng GMAnetwork.com si Sanya kung ano ang pinakamaganda niyang panaginip na hanggang ngayon ay naaalala niya pa.
Sagot niya, “'Yung magkakasama kaming kumakain at namamasyal kasama ang daddy ko. Kumpleto kaming pamilya ako, si daddy, si mommy, si kuya at si lola. Maliit na bata pa lang ako sa panaginip ko. Baby pa lang kasi ako nang mawala sa amin si daddy.”
Ayon pa kay Sanya, kung mayroon man siyang gustong mangyari na imposible na at nais niyang sa panaginip na lang mangyari, ito ay, “'Yung ma-meet at makausap ko ang daddy ko. At ikukuwento ko sa kanya ang lahat ng magagandang nangyayari sa akin ngayon.”
Matatandaan na naging emosyonal noon si Sanya sa kaniyang naging guesting sa Fast Talk with Boy Abunda nang alalahanin niya ang kaniyang namayapang ama, kung saan inamin niya na may tampo siya rito dahil nawala ito habang siya ay musmos pa lamang.
“Nagtatampo ako kay Daddy. Isa 'yun sa mga hindi alam ng family ko. Lumaki kasi kaming walang tatay. Madalas po nagtatanong ako, ano ba 'yung pakiramdam na nandito ka?” ani noon ni Sanya.
Pero paglilinaw ng aktres, naiintindihan niya na ngayon kung bakit maagang nawala ang kaniyang ama.
Aniya, “Naiintindihan ko na 'yun ngayon. Maraming salamat sa'yo kasi naintindihan ko lahat ng mga bagay kung bakit. May rason pala kung bakit ka rin nawala. Masakit sa umpisa na wala ka pero sana nakita mo 'yung success na mayron kami ni Kuya. Proud ako, proud pa rin ako na naging daddy kita. Thank you, daddy."
Samantala, mapapanood ang In My Dreams, ngayong May 18 na sa lahat ng GMA online platforms.
SILIPIN NAMAN ANG HOTTEST PHOTOS NI SANYA LOPEZ SA GALLERY NA ITO: