Showbiz News

“I’m a Mama’s girl” – Rita de Guzman


Maraming mga binata at dalaga ngayon ang nahihiyang aminin na Mama’s boys at girls sila. Pero ibahin niyo ang 18-year-old Kapuso actress na si Rita de Guzman dahil proud niyang sinabi na isa siyang Mama’s girl sa aming interview.

“I’m a Mama’s girl,” ang hindi pinag-isipang sagot ni Rita nang tanungin kung close ba sila ng kanyang ina. Paliwanag niya, “Kasi ever since sa kanya talaga ako nakadikit. Lahat ng galaw ko, Mama, ganoon. Lahat ng galaw ko sa kanya ko inaasa.”

Kuwento ni Rita, ngayong malaki na siya, sinisikap niya raw na baguhin ang nakasanayang laging nakadepende sa ina. “Dapat isipin ko 'yon na hindi dapat lahat or most of the time na dapat naka-mama ako. So 'yon. Medyo nag-a-adjust ako doon pero 'yon Mama's girl talaga ako,” aniya.

Sa mga hindi nakakakilala sa ina ni Rita, ang pangalan niya ay Rosanna de Guzman. Inamin sa amin ni Rita na hindi niya alam ang edad ng kanyang ina dahil hindi lang daw ito tutugma sa physical appearance niya. “Actually kapag naitatanong ang kanyang edad, nagugulat sila na ganoon na pala siya, pero kasi she looks young,” anang aktress.

Ayon kay Rita, tulad din ng ibang ina ang kanyang mama. “Very supportive, very caring. Sobra siyang mag-alaga sa bahay man o sa labas. Gusto niyang updated siya, kahit 'yung mga kuya at ate ko, kailangan alam niya 'yung mangyayari. Very loving of course and very understanding,” saad niya.

Bukod pa rito, natutuwa raw si Rita dahil nakikita niya ang imperfections ng kanyang ina. Naniniwala daw kasi siya na nagpapaka-natural ito at ‘yon ang gustong makita ni Rita sa ina.

Aniya, “You know, I thank God for that because I must say that my mom is real because no one is perfect. Dahil doon siguro, doon din talaga namin minahal 'yung nanay naming magkakapatid dahil sa imperfections niya.”

Patuloy ba subaybayan si Rita de Guzman bilang Patrice sa Villa Quintana, weekdays after Eat Bulaga on GMA Afternoon Prime. – Text by Al Kendrick Noguera, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com