
Masayang idinaos ng Kapuso actress na si Sanya Lopez ang kaniyang 28th birthday noong Biyernes, August 9, kasama ang cast at crew ng hit GMA series na Pulang Araw.
Sa report ni Nelson Canlas sa 24 Oras, makikita ang ginawang birthday surprise ng production ng serye para kay Sanya. Sa kalagitnaan ng kanilang taping, ipinahinto muna ni Direk Dominic Zapata ang shoot sabay tugtog ng “Happy birthday” para sa aktres.
“'Yung family ng Pulang Araw alam niyo, iba talaga sila magbigay ng sorpresa…Tsaka ang bongga kasi may pa-banda,” reaksyon ni Sanya.
Nagbigay naman ng birthday wishes para sa kay Sanya ang kaniyang co-stars sa Pulang Araw na sina Barbie Forteza at Derrick Monasterio.
“Sanya, I'm so, so proud of all your achievements. I'm so happy for you. Ang wish ko sa'yo is that you keep your feet on the ground, and that you stay healthy dahil kailangan natin 'yan sa ating trabaho. And ayon, sana palagi tayong masaya sa set,” mensahe ni Barbie.
Pagbati naman ni Derrick, “Andyan ka na Sanya, 'wag mo na pabayaan 'yan and deserve mo lahat ng mga dumadating sa buhay mo ngayon. 'Yun lang.”
Sa Instagram, nagpasalamat naman si Sanya sa mga nakasama niya sa kaniyang espesyal na kaarawan.
“The whole set of Pulang Araw greeted me on my birthday pati na rin ang mga @sanyawarriors ko. Na-surprise talaga ako. So happy to be with them on my special day,” bahagi ng post ni Sanya.
Gumaganap si Sanya bilang si Teresita Borromeo sa Pulang Araw. Kasama niya sa serye sina Barbie Forteza, David Licauco, at Alden Richards. Ipinakilala na rin si Dennis Trillo bilang main kontrabida sa naturang series.
Subaybayan ang Pulang Araw, Lunes hanggang Biyernes 8:00 p.m. pagkatapos ng 24 Oras sa GMA Prime.
RELATED GALLERY: Sanya Lopez's photos that prove she's ultimate hot babe