Showbiz News

Makatotohanang ending ng 'Ang Dalawang Mrs Real', nag-trending!

By FRJ - GMA News



Matapos tutukan sa telebisyon, nagpahayag ng paghanga ang netizens sa makatotohanang pagwawakas ng Kapuso series na 'Ang Dalawang Mrs. Real' nitong Biyernes ng gabi. Nag-trending din sa Twitter ang hashtag na #TheRealEnding.
 
Sa pagwawakas ng programa na pinagbidahan nina Dingdong Dantes, Maricel Soriano at Lovi Poe, ipinakita na may kaakibat na papanagutan sa batas ang kasong bigamy o pagkakaroon ng dalawang asawa.
 
Sa programa, kinasuhan at nakulong si Anthony Real, ginampanan ni Dingdong, dahil sa dalawang babae na kaniyang pinakasalan at naging asawa -- sina Millet (Maricel) at Shiela (Lovi).
 
Matapos pagdusahan at pagsisihan ni Anthony ang kaniyang naging kasalanan sa loob ng kulungan, ipinakita rin sa pagtatapos ng serye ang rekonselyasyon at pagpapatawad.
 
Nagkabalikan sina Anthony at Millet, habang nagkaroon naman ng bagong pag-ibig si Shiela na nagtrabaho rin sa ibang bansa. Naging magkasundo naman at malapit ang kanilang mga anak.