Showbiz News

Dennis Trillo, nakaka-relate sa bida ng 'Train to Busan'

By Cherry Sun

 

 

Si Dennis Trillo ang magbibigay boses sa bida ng Train to Busan sa tagalized version nito na mapapanood sa GMA Network. Na-challenge man ang aktor sa ginawang pagda-dub, aminado rin siyang nakaka-relate siya sa main character ng pelikula.
 
READ: Dennis Trillo, magbibigay-boses sa bida ng 'Train to Busan'
 
Aniya, “Well, siyempre ‘yung main character d'yan sa pelikula, tatay siya. Ako, tatay rin ako sa totoong buhay kaya medyo nakaka-relate ako doon sa mga pinagdadaanan niya, ‘yung mga nangyayari sa relasyon nilang mag-ama, tapos lalo na doon sa ending na talagang medyo punong-puno ng emosyon. Kasi nga siguro ‘yung mga tatay or ‘yung meron ng mga anak, makaka-relate talaga sa ganitong klaseng bonding, ‘yung relasyon nilang mag-ama.”
 
Ang Train To Busan daw ang isa sa mga paboritong Korean films ni Dennis. Kuwento pa niya ay naantig siya sa ilang mga eksena dito lalo na patungo sa pagtatapos ng pelikula.
 
Sambit niya, “Very emotional na eksena, talagang naiyak ako doon noong pinapanood ko siya. Pinipigilan ko lang kasi kasama ko ‘yung mga kaibigan ko manood. Pigil na pigil lang talaga ako sa pag-iyak pero galing, ang galing talaga.”
 
Ang Train to Busan ay mapapanood sa GMA Blockbusters sa October 29.