Showbiz News

EXCLUSIVE: Aiai Delas Alas at Ex Battalion member King Badger, muling makakatrabaho ang isa't isa!

By Cherry Sun

Makalipas ang halos isang taon mula nang magbitiw bilang manager ng Ex Battalion si Aiai Delas Alas, muling niyang makakatrabaho ang isa sa mga miyembro nito, si Jon Gutierrez o mas kilala bilang si King Badger, sa pamamagitan ng bagong Kapuso show na Owe My Love.

Muling nagkrus ang landas nina Aiai at King Badger kanina, February 27, sa story conference ng upcoming romantic-comedy series na Owe My Love.

Ito ang unang beses na makakatrabaho nila ang isa't isa matapos mag-resign ni Aiai bilang manager ng viral hip-hop group na Ex Battalion noong May 2019.

TIMELINE: The beginnings and falling out of Aiai Delas Alas and Ex Battalion

Nakunan ng GMA Public Affairs ang muling pagkikita nina Aiai at King Badger at kapansin-pansing walang tampuhang namagitan sa dalawa.

Sa exclusive interview ng GMANetwork.com, sinabi ni Aiai na maayos sila ng kanyang dating alaga at na-miss daw nila makatrabaho ang isa't isa.

Pahayag niya, “Wala na 'yun. Ano na 'yun, kumbaga let bygones be bygones.

“At saka si Jon is isa sa pinakamabait. Isa sa pinakamabait kong alaga 'yan si Jon sa Ex B(attalion). Tatlong mabait 'yan, e.”

Sa hiwalay na exclusive interview ng GMANetwork.com kay King Badger, nilinaw niyang walang masamang tinapay sa pagitan nila ng dati niyang manager.

Wika niya, “Me and Mama Ai, we're good. Wala naman kaming naging problema noong mga panahong nag-work kami together.

“'Til now, we're okay. 'Tsaka let's move on, sobrang tagal na nung mga nangyari.

“I'm happy na magwo-work kami ulit together after ng movie namin.”

Matatandaang November 2017 nang unang maka-collaborate ni Aiai ang Ex Battalion para sa kanyang kantang “Walang Pinipili.”

Dahil sa tagumpay ng kanilang mga sumunod na proyekto ay opisyal na naging manager ng group ang Comedy Concert Queen noong March 2018.

Ang pelikulang S.O.N.S. (Sons of Nanay Sabel) ang naging huling proyekto ni Aiai at ng Ex Battalion.

Ang pagiging unprofessional daw ng hip-hop group, na nangyari sa red carpet premiere ng naturang pelikula, ang naging huling mitsa para bitiwan ng Kapuso star ang grupo.