Showbiz News

Katrina Halili at Elijah Alejo, reunited sa bagong episode ng 'Wish Ko Lang'

By Racquel Quieta

Sa shoot ng bagong episode ng Wish Ko Lang na pinamagatang 'Inggit,' sa panulat ni Erwin Caezar Bravo at sa direksyon ni Rommel Penesa, muling nagkasama ang 'Prima Donnas' stars na sina Elijah Alejo at Katrina Halili.

Katirna Halili and Elijah Alejo / Source:@katrina_halili (IG)

Natigil ang taping ng karamihan sa mga Kapuso programs dahil sa ipinatupad na enhanced community quarantine noong Marso, kabilang na ang Prima Donnas.

Kaya naman ilang buwan na ring hindi nagkikita in person ang dalawang Kapuso celebs na sina Katrina at Elijah.

Buti na lamang at nagkaroon muli sila ng pagkakataon magkatrabaho sa shoot ng 'Inggit' episode ng Wish Ko Lang, na kinunan noong nasa ilalaim pa ng general community quarantine ang Metro Manila.

Ani Katrina matagal na siyang hindi lumalabas ng bahay at talagang nakakapanibago ang 'new normal' sa mga taping.

“Nakakapraning, kasi first time ko ma-expose ulit. 4 months ako na nasa bahay lang, Nakakapanibago din sa set dahil may safety protocols na okay naman para safe ang lahat.”

Katrina Halili with her Wish Ko Lang co-stars

Dagdag pa ni Katrina, natuwa siya na makatrabaho muli ang 'Prima Donnas' co-star niya na si Elijah.

“Na-miss ko si Elijah! Actually, noong taping na (lang ulit) kami talaga nagkita, nakakatuwa at nagkaron kami ng chance na magkasama sa taping ng Wish Ko Lang.”

Samantala, ikinuwento naman ni Elijah na ibang-iba ang roles nila ni Katrina sa 'Inggit' episode ng Wish Ko Lang kumpara sa roles nila sa Prima Donnas.

“Natuwa po ako kasi after ng ilang buwan, nagka-work po ulit kami ni Ate Kat and nanay ko po siya dito, so hindi ko po siya tatarayan (dito) unlike po sa Prima Donnas.”

Dagdag pa ni Elijah na may mahalagang aral siyang napulot sa istorya ng 'Inggit' episode.“Ang natutunan ko po is hindi po dapat magtanim ng sama ng loob kasi magagawa mo po yung mga bagay na hindi dapat gawin.”

Para naman kay Katrina, very relatable si Teresa bilang isang ina.

“Yung pagmamahal at pagsusumikap niya para maging maayos ang pamilya niya, doon ako naka-relate sa kanya.”

Sa 'Inggit' episode ng Wish Ko Lang, ang inang si Teresa ay magkakaroon ng misteryosong sakit matapos nitong ipagtanggol ang kanyang anak na si Marissa mula sa kanyang katrabaho na si Cristel, na gagampanan ni Kapuso actress Kim Rodriguez.

Magmamanas ang katawan ni Teresa hanggang sa maging mala-higante na ang kanyang hita at dumikit na ang kanyang ulo sa kanyang leeg.

Hinala ng pamilya ni Teresa na ipinakulam siya ng nakaaway na si Cristel.

Abangan ang 'Inggit' episode starring Katrina Halili, Elijah Alejo, Kim Rodriguez, Luis Hontiveros at Pepita Curtis ngayong Sabado sa Wish Ko Lang, alas-kwatro ng hapon sa GMA-7.