Showbiz News

Golden Cañedo, inalala ang mga panahong pumipila ang kanyang pamilya para makakuha ng ayuda

By Cherry Sun

Inamin ni Golden Cañedo na naranasan din ng kanyang pamilya na pumila para makatanggap ng ayuda nang kanyang ipaliwanag kung paano ang ginawa niyang selebrasyon ng kanyang 18th birthday ngayong may COVID-19 crisis.

Noong April sana ay nagkaroon ng magarang celebration si Golden bilang isang debutante. Ngunit sa halip na ituloy ang kanyang party, minarapat ng Kapuso singer na mag-abot ng tulong sa kanyang mga kababayan sa Cebu.

Nang kanyang idaos ang kanyang virtual media conference para sa kanyang kantang “Walang Hanggang Sandali,” ipinaliwanag ni Golden ang kanyang naging desisyon.

Aniya, “Binili namin ng rice and then binigay namin sa mga kababayan ko doon sa Minglanilla sa Cebu, sa mga tao na nawawalan po ng trabaho ng dahil sa COVID[-19].”

“Instead of ako ang makakatanggap, ako nalang magbibigay ng gifts para sa mga kababayan ko kasi naririnig ko lagi, daing ng lola ko sa Cebu na ganito, ganyan, sobrang daming naghihirap, sobrang daming nagugutom.

"So ang ginawa ko, sabi ko, 'Ma, instead of ang pera na 'yan i-debut ko, eh 'yung debut iisang kain lang sa isang araw, ibigay ko nalang kaya.' Hindi ibigay pero ibigay ko nalang sa kanila as a gift. So doon ko po nakita kung paano sila umiyak kasi sobrang nahihirapan po talaga sila. Nakikita ko po talaga, nahihirapan sila ngayon.”

Pag-amin ni Golden, naranasan din ng kanyang pamilya noon na pumila para makatanggap ng ayuda. Kaya ngayong may ipon daw siya ay nais naman niyang siya ang makatulong sa iba.

Pag-alala niya, “Before nangangarap din po ako na sana ako 'yung nandoon na nagbibigay at hindi 'yung nakakatanggap. So now, kasi sa help po ng family ko, 'yun po, nakakaipon po so doon po na, bakit hindi i-gift sa kanila. Kasi dati, 'Uy, may linyahan ng bigas si ganito, ganyan kasi it's Christmas.' So pumipila po kami tapos sabi namin bigyan talaga kami ng slot.”

Ang pagkakaroon ng mas magandang oportunidad sa tinakdang panahon ang parehong mindset na tumutulong kay Golden ngayong may pandemiya.

Aniya, kahit marami man sa kanyang mga plano at proyekto ang naudlot sa ngayon, hindi pa rin siya napanghihinaan ng loob.

Wika niya, “Hindi naman po kasi it takes time po. Kung para sa'yo talaga 'yung time, para sa'yo. Meron pa naman pong next year or kahit kailan. 'Yung lang po talaga ang iniisip ko. God has a plan for everything and has a reason for everything.”

Dagdag din niya, kaysa i-pressure siya sa kanyang career ay suportado siya ng kanyang pamilya.

Sambit ni Golden, “Try and try lang po, 'yun lang po ang sabi ng family ko sa akin kasi 'yun lang po talaga, bibigyan po talaga ni God 'yung tamang time para sa'yo. Sa family ko, pag nahihirapan na [ako], sila rin po nagba-back up para sa akin, para po sa family namin.”

ALSO READ: Golden Cañedo, inakalang hindi na ulit makakakanta dahil sa problema sa panga