Showbiz News

Rochelle Pangilinan, natupad ang dream role sa 'Wish Ko Lang'

By Racquel Quieta

Mga babaeng palaban sa hamon ng buhay ang tampok ngayong Winner September sa Wish Ko Lang, at ngayong Sabado, isang nakakaantig na kuwento ang tampok sa “Inararo” episode, starring Rochelle Pangilinan, Jason Abalos, Shayne Sava, Lexi Gonzales, at Irma Adlawan.

Rochelle Pangilinan at Jason Abalos sa “Inararo” episode

Ang “Inararo” episode ay tungkol sa mag-asawang Jovelyn at Jover na gagampanan nina Rochelle at Jason.

Nawalan ng trabaho ngayong panahon ng pandemya ang mag-asawang sina Jovelyn at Jover at pinasok ang pagtitinda ng prutas sa gilid ng kalsada upang matustusan ang mga gastusin sa bahay.

Sa kaarawan ng kanilang anak, nais nilang makapag-uwi ng birthday cake kaya hindi muna sila uuwi nang maaga para makarami ng benta.

Sa kasamaang-palad, sila'y masasagasaan sa bangketa ng isang lasing na driver at hindi na makakauwi pa sa kanilang mga anak at nanay.

Sina Lexi Gonzales, Irma Adlawan, at Shayne Sava sa isang emosyonal na eksena

Sina Shayne Sava at Lexi Gonzales ang gaganap bilang kanilang mga anak, habang si Irma Adlawan naman ang gaganap bilang nanay ni Rochelle Pangilinan.

Sa panayam kay Rochelle sa press con ng Winner September ng Wish Ko Lang, sinabi nito na dream come true raw para sa kanya na gumanap bilang anak ng multi-awarded theather, film, and TV actress na si Irma Adlawan.

“Tinupad ng Wish Ko Lang yung pangarap ko na maging nanay si Irma Adlawan. Kasi talagang sinasabi ko sa kanya 'yon 2010 pa--actually, ninang ko siya sa kasal--pero lagi kong sinasabi sa kanya, 'Sana maging nanay kita paminsan kahit isang guesting lang.'

“(Tapos ngayon) sabi ko sa kanya, 'Oh my gosh, Dada. Nanay kita!' Dada ang tawag ko sa kanya. Ayon po, tinupad talaga ng Wish Ko Lang. Thank you po!”

Isa sa unforgettable scenes para kay Rochelle Pangilinan

Sinabi rin ni Rochelle na isa raw sa most memorable at challenging scenes ni Rochelle sa “Inararo” episode ay ang kanyang death scene kung saan iniyakan siya ni Irma.

“Sa totoo lang mahirap mamatay ha! (laughs) Kasi hindi ka pwedeng huminga and parang nadamay ako sa pag-iyak ni Tita Irma.

“Pinipigilan kong pumatak yung luha ko kasi talagang ramdam ko siya. Ang laki ng binigay niya.”

Dagdag pa ni Rochelle, kinabahan daw siya nang kunan ang eksena ng pag-araro sa kanila ng sasakyan. Isa daw ito sa talagang pinaka-memorable na eksena para sa kanya.

“Yung inararo kami, first ano lang naman, first take pa. So may tinamaan na munang isa then may pumutok na something, may pumutok na ilaw o kung ano man 'yon, medyo malakas. Nag-cut na muna si Direk.

“Iyon ang mga hindi ko makakalimutan at super duguan na eksena.”

Huwag palampasin ang mga eksenang mas pinalaki at mas pinatindi sa “Inararo” episode ng Wish Ko Lang ngayong Sabado, 4 p.m. sa GMA-7.

Mga babaeng palaban, bibida sa Winner September ng bagong Wish Ko Lang