Showbiz News

Lolit Solis issues apology for Jinkee Pacquiao and Heaven Peralejo lending rumor

By Cara Emmeline Garcia

Humingi ng tawad si showbiz columnist Lolit Solis kina Jinkee Pacquiao at Heaven Peralejo dahil sa paglawak ng isyu tungkol sa diumanong paghiram ng nahuli kay Jinkee ng PhP 100,000.

Paliwanag ni Lolit sa Instagram, nagsimula ang lahat nang mabasa niya ang isang blind item sa Fashion Pulis ukol dito.

“Nagtanong-tanong hanggang may nagsabi na si Heaven at Mama Jinkee Pacquiao ang nasa blind item. Inilagay ko sa Instagram at inamin ko na narinig ko lang ang bulung-bulungan tungkol dito.”

Sa tulong ng manager ng young actress na si Ogie Diaz, naliwanagan ang TV personality na walang katotohanan ang narinig niyang tsismis.

Bitiw niya, “Kaya ni Heaven magkaroon ng PhP 100K at hindi kailangan ng tulong ng iba. So maliwanag na ang lahat.

“Nag-text si Mama Jinkee Pacquiao na hindi totoo ang balitang iyon, so tanggap ko na mali nga ang mga balita.”

Dahil dito, lubos ang paghingi ng tawad ni Lolit kina Heaven, Jinkee, at sa anak nito na si Jimuel Pacquiao.

Wika niya, “Sila Mama Jinkee at Jimuel nasali pa sa gulo kaya nahiya ako. Kay Heaven at sa nanay niya na nagsabi na 73 years old na ako bakit pa ako nagbabalita ng ganito, tama ka.

“Mommy, dapat nga siguro na 'pag may blind item pabayaan ko na. Sa nagawa ko, sorry at ewan ko kung bakit malaking issue ang PhP 100K na kung iisipin ay barya lang sa mga involved.

“So sorry Heaven at mommy. Sana hindi maging hell ang buhay ko sa PhP 100K na iyan.”

“Hindi totoo na humiram o bingyan ni Jinkee Pacquiao si Heaven Peralejo kaya sana maayos na ang lahat.”

Basahin ang buong pahayag ni Lolit:

Sa kanyang Instagram Story, nilinaw rin ni Jinkee Pacquiao na walang katotohanan ang paghingi ng ayuda ni Heaven sa kanya.

Sulat ni Jinkee, “Gusto ko lang pong sabihin sa lahat about sa issue na lumalabas na nanghingi raw si Heaven ng pera sa amin ay hindi po totoo! Hindi po siya nanghingi at wala po kaming binigay na pera.

“Tigilan na po ang pambabash sa kanila na wala pong katotohanan!

“Be at peace with everyone! Love one another! God bless us all. @heavenperalejo stay safe and stay beautiful.”

Ni-repost ni Heaven ang pahayag ni Jinkee at sinabing, “I appreciate this Tita.”