Showbiz News

EXCLUSIVE: Sanya Lopez, binalikan ang mga panahong nangangarap lang siyang mag-artista

By Cherry Sun

Binalikan ni Sanya Lopez kung paano siya nangarap maging isang artista ngayong tinatamasa na niya ang pagiging isang leading lady sa GMA Network.

Sa exclusive interview ni Sanya sa GMANetwork.com, ikinuwento ng Kapuso actress at First Yaya star na dati ay tila isang malayong pangarap para sa kanya ang makapasok sa showbiz.

Laking probinsya si Sanya at payak lang ang kanyang pamumuhay noon.

Bahagi niya, “Nakakatuwa, sobra.... Minsan kinakausap ko na rin sarili ko na, 'Akalain mo 'yun Sanya, talagang narating mo kung ano'ng meron ka ngayon pero ito ka naman dati, 'di ba. Parang ganun. Ang sarap lang din balik-balikan na katulad nga po noon, na parang before kada umuuwi ako ng Laguna or ng Bulacan, madadaanan ko talaga 'yung GMA. Tapos naku-curious [ako], 'Marami sigurong artista doon sa loob. Ano kayang ginagawa nila doon?' Tapos, 'Doon din kaya 'yung shooting?' Ganun, ng mga teleserye.

"Akala ko dati ganun 'yung nangyayari. Sabi ko, 'Paano kaya 'yun?' Kasi bata eh, wala kang masyado idea. 'Ano bang ginagawa nila doon?' Ganoon pa ako ka-curious. Tapos sabi ko, 'Ang dami-daming billboards dito tapos ang gaganda siguro nung mga artista.'”

Nadiskubre siya ni German “Kuya Germs” Moreno at inimbitahan siyang maging bahagi ng Walang Tulugan with the Master Showman. Unti-unti siyang nagkaroon ng iba't ibang proyekto sa GMA Network at nabigyan ng kanyang big break sa Encantadia.

Simula noon ay nagtuloy-tuloy ang blessings para kay Sanya at ngayong taon ay ipinagkaloob sa kanya ang kanyang kauna-unahang title role sa First Yaya.

Patuloy niya, “I'm very blessed na talagang binigyan ako ng GMA nitong First Yaya. Sobrang nakakatuwa. Kaya pag binabalikan ko 'yun parang doon ko nararamdaman na, 'O, huwag mong kalimutan ha, 'yung pinagdaanan mo sa buhay, 'yan 'yung nakatulong sa 'yo kung bakit ka nandyan.'”

Hinding-hindi raw makakalimot si Sanya sa kanyang pinanggalingan.

Pangako niya, “Kung sino ako nung nakilala niyo ako, kung ganito 'yung ugali ko nung nakilala n'yo ako, sana 'yun pa din ako pag dumating 'yung panahon na maging okay talaga. Asahan n'yo na ganun pa rin po ako.

“Walang magbabago, at walang kailangang magbago, 'di ba?”

Maaaring mapanood ang kabuuan ng kanyang exclusive interview DITO kung hindi ito mapanood sa itaas.