Showbiz News

'Mother Kween' Lorita Cadena, muling binalikan ang masasayang alaala ni Lloyd Cadena

By Dianara Alegre

Dalawang buwan mula nang pumanaw ang sikat na vlogger na si Lloyd Cadena ay nagpaunlak ng eksklusibong panayam ang ina nitong si Lorita Cadena sa Kapuso Mo, Jessica Soho.

Sa panayam ni GMA News pillar Jessica Soho, ibinahagi ng tinaguriang “Mother Kween” ang iba pang detalye sa pagpanaw ng anak niya.

Source: lloydcafecadena (IG)

Iniulat na nakaranas si Lloyd ng “heart attack while asleep” habang nagpapagaling mula sa COVID-19 sa ospital noong September.

“Baka doon na lang sa ospital nakuha. Hindi naman siguro ako maniwalang COVID-19 'yon kasi kaming dalawa magkasama sa bahay, e. Tapos nu'ng nagpa-swab test naman kami sa loob ng bahay, clear naman kami lahat,” lahad ni Lorita.

Dagdag pa niya, hindi raw siya makapaniwalang wala na ang kanyang anak dahil napakabilis ng mga pangyayari.

“Sa una hindi ako maniwala, e. Kasi nagte-text pa kami sa gabi. Bigla… tsaka si Lloyd kasi malihim. Hindi siya nagsasabi sa akin kasi ayaw niyang malungkot ako,” aniya pa.

Binalikan din ni Lorita ang kabataan ni Lloyd na aniya ay puno rin ng saya kahit na sa isang depressed area sa Parañaque ito lumaki.

“Masayahin siya, mabait talaga, laging naglalaro sa labas, friendly talaga si Lloyd nu'ng maliit pa siya. 'Tsaka pinagmalaki ko rin dahil kahit wala ako, nasa abroad ako, nakatapos naman sila sa pag-aaral lahat. Matalino rin naman si Lloyd,” aniya.

Upang tustusan ang pangangailangan ng kanyang apat na anak, nagtungo ng ibang bansa si Lorita at asawa niya at doon nagtrabaho sa loob ng maraming taon.

Nagpasya lamang siyang magretiro sa pagtatrabaho noong unti-unti nang lumalaki ang kita ni Lloyd sa pagba-vlog at maipagtayo ng magarang bahay ang kanilang pamilya.

Sa kabila ng pagdadalamhati ay nananatili naman ang pag-asa ni Lorita sa buhay, gaya na lamang ng pagsalubong niya sa Pasko ngayong taon.

“Tuloy din ang Pasko dahil may anak akong tatlo tapos may apo.

“Hiniram lang naman natin 'yung buhay natin. Kung kalian tayo kukunin ng Panginoon ay wala naman tayong magagawa,” aniya.

Panoorin ang buong panayam ng Kapuso Mo, Jessica Soho kay Lorita Cadena rito:

Related content:

Vlogger Mother Kween talks about the future of Lloyd Cadena's YouTube channel

Macoy Dubs and other celebrities mourn Lloyd Cadena's death