TV

MUST-SEE: Tatlong asawa sa 'Legal Wives,' nagsama-sama na!

By Marah Ruiz

In full swing na ang taping para sa upcoming GMA Telebabad cultural drama series na Legal Wives.

Sa unang pagkakataon, nagsama-sama ang tatlong leading ladies ng serye na sina Alice Dixson, Andrea Torres, at Bianca Umali.

Nakasuot ng mga engrandeng baro ang tatlo dahil eksena ng mga magagarang kasalan ang kinunan nila sa taping kahapon, December 5.

Gaganap ang tatlong aktres bilang mga asawa ng isang Maranaw na nagngangalang Ishmael, na gaganapan ni Kapuso Drama King Dennis Trillo.

Si Alice ang unang asawa na si Amirah na pinakasalan ni Ishmael bilang bahagi ng tungkulin niya sa pamilya.

Si Andrea naman ay si Diane, ang tanging Kristiyano sa mga asawa ni Ishmael, na pinakasalan niya dahil tunay na pag-ibig.

Si Bianca ay si Farrah, ang pinakabata sa mga asawa ni Ishmael at anak ng kanyang matalik na kaibigan. Pinakasalan niya ito para protektahan mula sa isang iskandalo.

Nagsimula ang lock-in taping ng Legal Wives noong December 1.

Bukod kina Dennis, Alice, Andrea at Bianca, kabilang din sa serye sina Cherie Gil, Al Tantay, Shane Sava, Abdul Raman, Ashley Ortega, Kevin Santos, Alfred Vargas, Irma Adlawan, at marami pang iba.