Showbiz News

5.5 sqm na bahay sa Baguio City, kasya ang 9 katao

By Jimboy Napoles

Isang 5.5 sq.m., two-story house ang kinaaaliwan ngayon sa Baguio City. Sino ba naman kasi ang mag-aakala na sa maliit na bahay na ito ay kakasya ang siyam katao? Fully functional pa dahil may dining area, kitchen area, comfort room, living area at may receiving area pa para sa buong pamilya.

Source: Tonton Papa Tan

Lima katao ang kasya sa unang palapag ng bahay. Pagdating naman sa taas kakasya ang apat katao.

Source: Tonton Papa Tan

Konsepto ng tiny house living o downsizing ang isa sa naging inspirasyon ng gumawa ng bahay na si Tonton Papa Tan. Kuwento niya, mas maliit pa nga raw ang sukat nito kumpara sa karaniwang kwarto.

“Ang regular na kwarto nasa 8 sqm, 'yung mga maliliit na kwarto na binebenta sa Baguio o kaya sa ibang mga lugar ay nasa 6 sqm lamang, pero ito na ang pinaka maliit na complete and liveable house kasya pa sa maliit na kwarto na yun," kuwento ni Tonton sa State of the Nation.

Bago pa man siya gumawa ng tiny house, meron na rin siyang ginagamit na pagkaliit-liit na sasakyan. Ang kaniyang 'Jeepito' na naging inspirasyon niya rin para gawin ang tiny house.

Source: Tonton Papa Tan

Noong una, para lang daw sana sa kaniyang dalawang anak ang tiny liveable house na ito na inspired din sa isang doll house.

“Naisip ko 'yung mga bata hindi makalabas, minsan nalulungkot na sila sa bahay, so naisip ko dapat gumawa ko ng project na ikatutuwa ng bata, ng pamilya.”

Pero hindi niya rin inasahan na kakasya pala ang kaniyang buong pamilya sa bahay na kaniyang nagawa na may budget na P200,000.

“Na-feel ko na, hindi lang ako pati 'yung ibang mga tao sa paligid naging hopeful, na puwede pala, kahit maliit ang budget at kahit may pandemya kaya nating magkaroon ng bahay na ikatutuwa natin at functional siya,” dagdag pa niya.

Sa ngayon, bukas daw ang "The Tank House" sa Baguio City para sa mga taong nais itong makita at ma-experience ang tiny house living.

Panoorin ang buong kuwentong ito ng State of the Nation dito:

Samantala, maki-house tour ka na rin sa bahay ng ilang mga sikat na celebrities dito: