Showbiz News

Allen Ansay, 'ideal man' para kay Sofia Pablo

By Jimboy Napoles

Itinuturing na ideal man ng Kapuso teen actress na si Sofia Pablo ang kanyang onscreen partner at Kapuso young heartthrob na si Allen Ansay.

Sa kanyang Facebook account, nagkaroon ng mini "Question and Answer" pakulo si Sofia para sa kanyang fans kung saan sasagutin niya sa comments section ang kahit anong tanong sa kanya.

Bukod sa ilang basic questions, isa sa naging tanong kay Sofia ay kung sino ang kanyang ideal man. Marami naman sa kanilang fans ang kinilig nang i-mention ni Sofia si Allen bilang kanyang sagot sa nasabing tanong.

Matatandaan na sa panayam noon kina Sofia at Allen sa media conference ng Sparkle love teams, sinabi ng una na nakikita niya si Allen bilang ideal boyfriend dahil sa pagiging malapit nito sa kanyang ina.

Aniya, "Ang pinakagusto ko talaga sa kanya that not a lot of men have is 'yung mahal niya ang mommy ko.

"Kunwari papagalitan ako ni mommy kasi may nagawa akong mali, papagalitan din niya ako, aawayin din niya ako. Talagang ipapa-realize niya na hindi ko dapat 'yun ginagawa.

"Kung may magiging boyfriend man ako pagtanda ko, gusto ko 'yung mahal 'yung mommy ko kasi kami lang talaga ni mommy [magkasama] ever since kasi 'yung daddy ko nasa other country.

"Ang importante sa akin, kung sino 'yung makakasama ko, ay mahal 'yung mommy ko," dagdag pa niya.

Kamakailan ay nagtungo sina Sofia at Allen sa Singapore na kanilang first international trip together. Magkasama rin silang dumalo sa first-ever Halloween party ng Sparkle GMA Artist Center na The Sparkle Spell kamakailan, kung saan nagbihis sila bilang Emily at Victor ng animated dark fantasy horror film na Corpse Bride.

Malapit na ring mapanood ang dalawa sa kanilang pagbibidahang kilig series na Luv is: Caught in his Arms kasama ang ilan sa Sparkada members na sina Vince Maristela, Michael Sager, Raheel Bhyria, Sean Lucas, at Sparkada girls na sina Caitlyn Stave, Cheska Fausto, Kirsten Gonzales, at Tanya Ramos.

SAMANTALA, SILIPIN ANG KILIG PHOTOS NINA SOFIA PABLO AT ALLEN ANSAY SA GALLERY NA ITO: